Duque, ipinag-utos ang price range para sa Covid-19 testing sa susunod na linggo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Secretary Francisco Duque III

Ilalabas na ang price range para sa Covid-19 test kits at services sa susunod na linggo, alinsunod na itinakdang deadline ni Health Secretary Francisco Duque III.

“Pinag-utos po ni Secretary Duque na dapat early part of the week, next week ay magkaroon na tayo ng issuance regarding this,” paglilinaw ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire noong Sabado.

Ito ay pagsunod sa Executive Order No. 118 ni Pangulong Rodrigo Duterte, na nagdirekta sa DOH, sa pakikipagkoordinasyon sa Department of Trade and Industry (DTI), na limitahan ang gastusin sa coronavirus tests matapos maiulat ang paglobo sa presyo nito sa merkado.

Ayon kay Sen. Richard Gordon, chairman ng Philippine Red Cross, ilang mga laboratoryo ang naniningil nang aabot sa ₱20,000 para sa test results na ilalabas sa loob lamang ng 10 oras.

Sinabi ni Vergeire na bumuo ang DOH at DTI ng pinal na draft ng implementing guidelines, subalit kasalukuyan pang dinedetermina ang price range.

Sila ay gumagamit ng external reference pricing at cost-plus methods, suggested retail price o SRP-based surveys, at isang World Health Organization laboratory test costing tool bilang batayan.

Ito ay susundan naman ng konsultasyon sa mga stakeholders para tiyaking katanggap-tanggap ang itatakdang presyo.

“Pipilitin po natin maigi na makatapos tayo at makapagsagawa ng konsultasyon, maybe Monday or Tuesday para mailabas na po natin agad ang guidelines,” ani Vergeire.

Halos 4.7 milyong katao na ang na-test na para Covid-19 sa buong bansa.

LATEST

LATEST

TRENDING