
Nakapagbayad na ang PhilHealth sa Philippine Red Cross nang aabot sa ₱600 milyon para sa coronavirus tests – o mahigit kalahati sa ₱1-bilyon nitong pagkakautang.
“PhilHealth releases another ₱100,003,015 to Philippine Red Cross today,” pahayag ng ahensya noong Huwebes.
Binibilisan din umano nito ang reimbursement para sa natitirang claims ng PRC na nasa ₱400 milyon.
Sa halos dalawang linggo, ipinahinto ng PRC ang pagsasagawa ng Covid-19 tests na ginagastusan ng PhilHealth, dahil sa paglobo ng utang nito sa mahigit ₱1 bilyon. Halos ₱931 milyon ng nabanggit na halaga ang minarkahan bilang overdue balance.
Mahigit 6,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang na-stranded sa mga quarantine facilities sapagkat hindi sila maaaring umalis hangga’t hindi nagnenegatibo sa Covid-19.
Una namang nagbayad ang PhilHealth ng inisyal na ₱500 milyon noong Oktubre 27, bagay na nag-udyok sa PRC na muling ibalik ang Covid-19 testing.
Subalit, siningil ng PRC ang PhilHealth para sa buong halaga sa loob ng parehong linggo habang binigyang diin ang agarang pagbabayad ng pamahalaan upang maipagpatuloy ang operasyon ng PRC.