Mahigit 200 brgy. chaipersons na sangkot sa maanomalyang SAP distribution, kinasuhan o sinuspinde: Año

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Interior and Local Government Sec. Eduardo Año

Mahigit 200 na barangay chairpersons na umano’y sangkot sa maanomalyang distribusyon ng ayuda mula sa Social Amelioration Program (SAP) ang nahaharap sa kaso o di kaya ay sinuspinde na, paglilinaw ni Interior and Local Government Sec. Eduardo Año noong Huwebes.

Ayon sa kalihim, 183 punong-barangay ang kasalukuyang nahaharap sa kaso habang 89 naman ang sinuspinde na.

Nakatanggap ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng 781 complaints, kabilang ang 1,259 na mga suspek. Nagsagawa rin umano ng 363 investigations ang ahensya, ayon kay Año.

Naghain din ito ng show-cause orders para sa 10 alkalde na wala sa kani-kanilang mga munisipalidad nang manalasa ang Bagyong Rolly sa bansa.

Samantala, binanggit din ni Año na inaprubahan na ng pamahalaan ang mahigit 2,000 applications para sa cell tower construction permits.

Nakapag-apruba pa umano sila ng karagdagang 815 applications para sa total na 2,082. May pending naman aniyang 637 applications.

Matapos magbanta si Duterte na ipasasara ang telcos kung walang mangyaring improvement sa internet connectivity pagsapit ng Disyembre, unang ibinunyag naman ni Globe Telecom President at CEO Ernest Cu na kinakailangan umano ang 28 hanggang 30 permits at mahigit walong buwan para lamang sa pagtatayo ng isang tower.

Ang abala sa permit ay hiwalay pa sa miscellaneous fees na kinokolekta naman ng mga local government units, kabilang ang tower fees at special use permits, dagdag pa ni Cu.

Muling inulit naman ng pangulo ang kanyang babala na hahabulin niya ang mga LGU officials na mapapatunayang sangkot sa pagpapa-delay sa construction ng cell sites sa bansa. 

Unang sinabi rin ng pinuno ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na ang mga telcos na may kumpletong applications para sa pagtatayo ng towers ay awtomatikong aaprubahan kung hindi aaksyunan ng LGUs o ahensya ng national government ang kanilang aplikasyon sa loob ng pitong araw.

LATEST

LATEST