Mag-amang biktima ni ‘Rolly’, patay nang bumalik ng bahay para kumuha ng school supplies

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
 Kuha ni: Jacque Manabat (ABS-CBN News)

Binawian ng buhay ang mag-amang naging biktima ng Bagyong Rolly nang balikan ng mga ito ang kanilang tahanan sa Barangay Gogo, Virac, Catanduanes upang kunin ang mga gamit ng anak para sa kanyang pag-aaral sa unibersidad. 

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Ramon Jacob at Mecaella Jacob. 

Ayon sa naulilang ina na si Liwayway, binalikan nina Mecaella kasama ang ama ang naiwang gamit sa eskuwela. Dahil hirap sa signal ng telepono, hindi nakatulog sa pag-aalalala si Liwayway, na lumikas kasama ang iba pang anak bago pa man humagupit si “Rolly”.

Aniya, “Umaga na [noon], wala pa asawa ko at anak ko. ‘Yung dibdib ko para nang sasabog, 4 o’clock na ‘yun ng madaling araw, parang sasabog… Sabi ng anak ko na ‘tiwala lang sa taas.”

Sa ilog na limang minuto ang layo mula sa kanilang tahanan natagpuan ang mga labi ng mag-ama noong Nobyembre 2. Hawak pa umano ni Mecaella ang kaniyang module nang matagpuan ang bangkay nito. 

“Yung lang inaano niya, ‘yung laptop, mga gamit niya. Masaya na rin po ako kasi magkasama sila ng papa niya kahit kaming 3 andito pa,” kwento ni Liwayway. 

Si Mecaella ay running for cum laude sa kanyang eskwelahan habang breadwinner naman ang ama nito.

Umaapela naman ng tulong ang pamahalaang panlalawigan ng Catanduanes dahil paubos na umano ang pondo nito na ginamit sa pagtugon sa pinsalang hatid ng bagyo na sinabayan pa ng Covid-19 pandemic.

“Talagang wala [nang] savings ang probinsiya at provincial government [at] mga municipality dahil nga sa COVID-19 pandemic … talagang kapos na kapos na kami,” giit ni Catanduanes Gov. Joseph Cua. 

Iminungkahi ng gobernador ang pagbabalik ng programang “cash for work” dahil handa naman daw ang mga residenteng bumalik sa pagtatrabaho at tumulong na ayusin ang lalawigan kapalit ang konting pera na makatutulong sa kanilang muling pagbangon.

Humihiling naman ang pamilyang Jacob ng tulong pinansiyal upang maipagpatuloy pa rin ang pag-aaral ng dalawang nabubuhay na magkapatid, kasama na rin ang konting kapital para makapag-umpisa ng negosyo ang naulilang inang si Liwayway. 

LATEST

LATEST

TRENDING