Cascolan, bukas sa pagpapalawig ng kanyang termino bilang PNP chief

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
PNP chief Gen. Camilo Cascolan

Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Camilo Cascolan noong Biyernes na bukas siya sa pagpapalawig ng kanyang termino upang mas marami pa siyang magawa makalipas ang dalawang buwan nito sa puwesto.

Aniya, “Puwede tayo ma-extend. Of course, tuloy ang retirement pero sana pagbigyan pa rin tayo.”

“We hope we will be extended,” dagdag pa nito.

Nakatakdang mag-retire si Cascolan sa Nobyembre 10 pagtungtong nito sa mandatory retirement age na 56.

Sa kanyang maikling panunungkulan bilang pinakamataas na opisyal ng kapulisan, iginiit ni Cascolan na nakapagtaguyod siya ng isang 9-point action agenda kabilang ang pagdedestino ng police personnel sa mga lugar na mas nangangailangan ng kanilang serbisyo.

“Well, even though it was a short term, I think I have given more than a year of service to the people of the Philippines… It’s not how long you will serve. It’s how much you can serve or how much you can give for your organization,” paliwanag ni Cascolan.

Sa pag-uumpisa ng taon, naging pansamantalang caretaker din ng PNP ang noo’y deputy chief for administration na si Cascolan, matapos maaksidente ang sinasakyang helicopter ni dating PNP chief Archie Gamboa.

Nagsilbi rin ito bilang chief ng PNP directorate for operations at Metro Manila police director.

Isa si Cascolan sa mga bumuo ng “Oplan Double Barrel,” na naging flagship program ng PNP laban sa iligal na droga. Kabilang sa programang ito ang kontrobersyal na “Oplan Tokhang,” na nagresulta sa mahigit 8,000 deaths, batay sa isang ulat na inilabas ng United Nations Office of the High Commissioner on Human Rights.

“Ang isang mali nang nag-implement dun is umaboso po sila. Hindi nila sinunod ang rule ko. At the same time, marami silang viniolate na human rights. ‘Yung mga ‘yun ay nakasuhan naman,” giit ng PNP chief.

Nagsumite naman ang overseer ng PNP, na si Interior Secretary Eduardo Año, ng tatlong pangalan kay Pangulong Rodrigo Duterte na siyang pagpipilian nito para sa magiging susunod na PNP chief.

Sila ay sina Police Lt. Gen. Guillermo Eleazar, deputy director for administration; Police Lt. Gen. Cesar Binag, deputy director for operation; at Police Maj. Gen. Joselito Vera Cruz, chief ng directorial staff.

LATEST

LATEST

TRENDING