Bayan ng Bato sa Catanduanes, umapela ng tulong

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Kuha ni: Connie Calipay

Inaasahan ang malungkot na Kapaskuhan sa bayan ng Bato sa Catanduanes bunsod ng matinding pinsalang hinatid ng Bagyong Rolly dito.

Wala pa ring kuryente sa lugar at posibleng magtagal pa ng ilang buwan bago ito maibalik nang tuluyan, paglilinaw ni Bato, Catanduanes Mayor Juan Rodulfo noong Biyernes.

Aniya, “Baka matagalan pa po ito, 2 to 3 months baka sumobra pa dyan dahil nagbagsakan lahat ng poste sa aming area. Madilim at malungkot po ang Pasko namin dito.”

Unang nag-landfall si Rolly sa Bato at nagdulot ito ng malawakang pagkasira.

“Ito na pinakamalakas sa historya ng Catanduanes dahil sinabayan pa ng baha and high tide, halos sabay-sabay,” dagdag pa ng alkalde.

Hindi bababa sa dalawang barangay—Cagraray at Pananaogan—ang nananatiling isolated at hindi pa rin nabibigyan ang mga residente nito ng relief goods dahil sa landslides.

“Ngayon schedule ng relief goods po doon,” wika ni Rodolfo.

Ayon sa isang residenteng si Lyn, linamon umano ng tubig-dagat ang barangay habang nasa kasagsagan ng bagyo.

Aniya,  “Malapit kami sa may dagat pinasok po ng dagat yung barangay namin. Yung sa amin po may natira naman po pero yung mga kasama namin dito halos nasira po mga bahay.”

Hindi pa rin umano madaanan ang lugar ng mga sasakyan dahil hindi pa natatanggal ang mga debris na nagmula sa landslide.

Subalit, sinabi naman ni Rodolfo na na darating ang 100 personnel mula Sorsogon kinabukasan upang magsagawa ng clearing operations. 

Inamin din ng alkalde na hirap ang mga lokal na pamahalaan sa pagbili ng relief goods dahil wala aniyang suplay ang ilang tindahan.

“Halos lahat ng pondo dito sa Catanduanes naubos na po ng COVID. Kung may natitira man, konti na lang po. Ito po ang pagkakasyahin namin sa relief goods,” paglilinaw ng alkalde.

Mayroon na lamang umanong P2.6 milyong pondo ang natitira sa munisipalidad na sinisikap nilang pagkasyahin para sa relief operations. Parating na rin umano ang tulong mula sa national government.

LATEST

LATEST

TRENDING