‘Resign now’: Duterte, inabisuhan ang mga tiwaling DPWH officials na magbitiw na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Inabisuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sangkot sa mga maanomalyang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na agarang mag-resign na, habang binigyang diin na mahaharap sa kaso ang mga kurap na opisyal bago magtapos ang kanyang termino sa 2022.

Sa kanyang talumpati sa taumbayan noong Huwebes, binanatan ng pangulo ang mga naiuulat na malawakang kurapsyon sa ahensya, na karamihan ay hinggil sa “ghost” at depektibong projects.

Aniya, “Kayong may kasalanan diyan sa mga ganoon, I advise you to resign now.”

“Resign now. Kasi pagdating ng panahon…saka makita ninyo, you’ll be prosecuted administratively and criminally, at walang patawaran dito,” dagdag pa ng pangulo.

Noong nakaraang linggo, ipinag-utos ng pangulo ang pagsasagawa ng malawakang imbestigasyon para sa katiwalian sa buong pamahalaan, alinsunod sa pagnanais nitong sugpuin ang kurapsyon bago ito bumaba sa puwesto sa 2022.

Noong Lunes, nagbabala ang pangulo na mas maraming empleyado ng pamahalaan ang mawawalan ng trabaho at kakasuhan pagsapit ng Disyembre.

Umaasa naman ang pangulo na ang mayorya ng mga papatalsiking opisyal ay manggagaling sa DPWH, dahil talamak umano ang kurap na aktibidad sa ahensya patungkol sa right-of-way claims.

Unang bumuo naman si Public Works Secretary Mark Villar ng isang task force upang paimbestigahan ang mga anomalya sa loob ng departamento.

Inaasahang magsusumite ng rekomendasyon at mga tamang hakbang ang task force laban sa mga matutuklasang tiwaling opisyal.

LATEST

LATEST