
Ang mass vaccination ng bansa kontra Covid-19 ay posibleng mangyari pa sa dulo ng susunod na taon, paliwanag ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr. noong Huwebes.
Aniya, “Kapag nakita nating under development pa po ang mga vaccine ay baka before end of the year (2021).”
Subalit, sinabi rin nitong posibleng maging available na ang bakuna para i-rollout sa gitna ng 2021 sa ilalim ng “best-case scenario.”
“Ang (our) best case scenario ay (is) May 2021,” dagdag pa ng opisyal.
Noong Setyembre, ipinahayag naman ni Food and Drug Administration chief Eric Domingo na maaaring masunod ng mga ahensya ang itinakdang timeline kung matatapos ang clinical trials, kabilang ang inisyatibang pinangungunahan ng World Health Organization, sa lalong madaling panahon. Mangyayari lamang aniya ito kung maipapasa ng manufacturers ang lahat ng requirements at maisusumite ang mga wastong dokumento.
Ang WHO solidarity trial para sa Covid-19 vaccines sa bansa ay inaasahang mag-uumpisa sa Disyembre.
Sa ngayon, dapat munang ipagpatuloy ng publiko ang mariing pagsunod sa minimum health standards para mabawasan ang tsansang mahawa sa Covid-19, giit ni Galvez.
Binanggit din ng vaccine czar na kasalukuyan silang bumubuo ng isang logistics plan bilang paghahanda para sa epektibo at ligtas na coronavirus vaccine.
Kasalukuyan ding nakikipagpulong ang mga opisyal sa mga pharmaceutical companies tulad ng Zuellig Pharma Corp., Ayala Healthcare, at Unilab, Inc., na maaaring makatulong sa pagsigurong maayos ang mapaglalagyan ng mga Covid-19 vaccines kapag dumating na ang mga ito sa bansa.
Nag-boluntaryo naman aniya ang ilang pribadong kumpanya na may cold storage equipment at facilities para paglagyan ng mga bakuna kontra Covid-19.