DBM, ‘pinag-aaralan’ ang pagbibigay ng pondo sa mga LGUs na hinagupit ni ‘Rolly’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Mark Alvic Esplana

Ang mga lalawigang sinalanta ng Bagyong Rolly ay posibleng magdeklara ng state of calamity kung nais ng mga itong mag-request ng karagdagang pondo mula sa Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni DBM Secretary Wendel Avisado na naghahanap ng paraan ang ahensya kung paano nito direktang maida-download ang karagdagang pondo sa mga local government units sa Bicol na lubos na napinsala ni Rolly.

“Pagmi-meeting-an po ‘yan bukas ng [that will be discussed tomorrow by the] NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council), among others the declaration of a state of calamity in the areas affected by super typhoon Rolly.” ani Avisado noong Huwebes.

Dagdag pa nito, “Kapag nagkaganoon po, merong mga issuances na gagawin kung saan gagawan ng paraan kung pwedeng makadirektang bigay, dagdag-ayuda ang national government sa mga local government units. Inaaral na po ‘yan.”

Tinanggihan naman ng Malacañang ang mungkahi na ilipat ang ilang bahagi ng ₱19.13 bilyong pondo ng mga programa kontra komunismo ng pamahalaan sa susunod sa taon para sa typhoon response.

Paulit-ulit na kinuwestyon ng mga mambabatas ang malaking pondong inilaan para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa 2021 national budget, kung saan binatikos din ito dahil sa red-tagging ng mga celebrities na nakiisa sa talakayan ng women’s rights na iniuugnay sa mga makakaliwang grupo.

Iginiit ni Senador Risa Hontiveros noong Huwebes na ang ₱16 bilyong NTF-ELCAC funding para sa barangay development ay dapat ilipat sa mga komunidad na kasalukuyang bumabangon mula sa pinsalang hatid ng bagyo.

Ang barangay budget ay ida-download sa mga komunidad na nawalan ng tahanan o hanapbuhay bunsod ng mga armadong pag-atake, unang naging pahayag ng DBM.

Subalit, sinabi naman ni Roque na hindi na ito kinakailangan.

Aniya, “Sa tingin ko po, hindi naman kailangang i-realign dahil ‘yung ELCAC na pondo naman po ay mapupunta naman sa areas na merong insurgency problem. Alam naman natin na kailangang magkaroon ng pag-unlad para mawala na ‘yung problema.”

“Itong mga nasalanta ng bagyo, they will be beneficiaries of the ELCAC funds… Malaking pondo ay pupunta sa Bicolandia at Catanduanes kung saan aktibo naman po ang mga insurgents,” dagdag pa nito.

Unang sinabi naman ni Avisado na available ang nasa ₱3.622 bilyong pondo para sa disaster relief efforts sa national level, na hawak ng NDRRMC. Subalit, kailangang gumawa pa rin ng formal request ng mga LGUs kung nais ng mga ito na humingi ng karagdagang badyet na dapat maaprubahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte bago magamit ang mga nasabing pondo.

Sa ngayon, ang pinakamadaling paraan aniya para sa mga LGUs na kumalap ng pondo ay sa papamagitan ng quick response funds na hawak ng Office of Civil Defense, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Department of Agriculture, Department of Public Works and Highways, Department of Education, at National Electrification Administration.

LATEST

LATEST

TRENDING