Malacañang: Duterte, nasa maayos na kalusugan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte

Maayos umano ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa kanyang edad, giit ng Malacañang noong Martes, matapos itong mawala sa mata ng publiko habang hinahagupit ng Bagyong Rolly ang ilang bahagi ng bansa noong Linggo.

Hindi umano mabibisita ng pangulo, na 75-anyos, ang Guinobatan, Albay noong Lunes kung wala ito sa maayos na pangangatawan, paliwanag ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “He is as good as anyone of his age.”

Noong Linggo, nagsagawa ng press briefing ang mga miyembro ng Gabinete. Hindi ito dinaluhan ni Duterte na noo’y nasa kanyang tahanan sa Davao City. Dahil dito, naging trending sa social media ang hashtag na #NasaanAngPangulo dahil sa pagiging absent nito.

Noong Lunes, pinangunahan naman ng pangulo ang isang aerial survey sa ibabaw ng Bicol at kinalauna’y naglanding sa bayan ng Guionabatan, kung saan nagkaroon ng landslide dahil sa mudflow mula sa Bulkang Mayon.

Sa pagbisita ng pangulo, mapapansing hindi maayos ang pagkakasuot ng kanyang face mask at nakabitin ito mula sa isa niyang tenga habang nilalapitan ito ng mga residente ng Guinobatan.

Sinabi naman ni Roque na hindi siya nakatitiyak kung natanggal ang mask ng pangulo nang aksidente.

“Ang importante po, nakarating po doon sa Guinobatan… Kung natanggal man ang mask niya, iyong danger ay na kay Presidente. Pero hindi po niya natiis ang mga Bicolano, pinuntahan niya. He exposed himself to the threat of Covid-19,” pagbibigay diin ni Roque.

LATEST

LATEST

TRENDING