‘Devastated kami’: Gobernador ng Catanduanes, umapela ng tulong

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Umapela ng tulong si Catanduanes Governor Joseph Cua noong Nobyembre 3 para sa libu-libong residente ng kanyang lalawigan na hinagupit ng Bagyong Rolly noong Nobyembre 1.

Aniya, “Talagang devastated kami ng bagyong Rolly. Super Typhoon ito, signal no. 5 kaya talagang wala kaming magawa.”

Bagsak pa rin ang communication at powerlines sa lalawigan matapos patumbahin ng bagyo ang tinatayang nasa 80 percent ng electric posts dito.

“Kailangan namin ng tulong mula sa national agency, mga NGOs sana kung puwede kaming matulungan,” ani Cua.

Halos nagastos na rin umano ng lalawigan ang pondo nito sa pagtugon sa Covid-19 pandemic.

“Ang national disaster, through [Presidential spokesperson] Roque, magpapadala ngayong araw ng C-130 na may dalang relief goods at tubig at water equipment para magkaroon kami ng safe water,” dagdag pa ng gobernador.

Unang nag-landfall si Rolly bilang supertyphoon sa bayan ng Bato noong Linggo ng umaga.

Noong Lunes, naitala naman ng provincial government ang 10,705 na mga kabahayang nawasak at 3,100 namang iba pang nasira, batay sa datos na nakapost sa Facebook page ni Cua.

Umabot ang pinsala sa abaca industry sa P400 milyon; P150 milyon sa agrikultura, at P700 milyon naman sa imprastraktura.

“Partial report pa lang po ‘yun, wala pang report from other municipality dahil wala pang means of transport at talagang isolated hindi makapunta sa iba’t-ibang bayan dahil ang daming natumbang poste, ang daming natumbang punong-kahoy at mga landslide,” paliwanag ni Cua.

Nangangailangan naman umano ang mga residente ng construction materials upang makumpuni ang kani-kanilang mga nasirang tahanan.

Aniya, “Sana mabigyan kami ng GI sheets at hardware materials para maibigay sa mga tao,” he said.

Mas maraming relief packs at gamot din ang kinakailangan upang maipamahagi sa tinatayang nasa 68,000 katao o 15,000 pamilya.

Ayon kay Cua, may limang casualties ang lalawigan – 1 mula sa San Miguel at 4 naman mula sa Virac.

Nag-alok naman ang Ando Cua Foundation ng libreng logistics services papunta at pabalik ng Virac. Ang mga donasyon ay maaaring ipadala sa Ocean Shipping sa No. 33 Kaingin Road, Balintawak, Quezon City. 

LATEST