Lacson at Gordon, tinanggihan ang pagtatayo ng Dept. of Disaster Resilience

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: ABS-CBN News

Hindi sinang-ayunan nina Sen. Richard Gordon at Sen. Panfilo Lacson noong Nobyembre 2 ang mungkahing pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR), dahil ginagawa naman aniya ng mga kasalukuyang ahensya ang mga mandato nito.

Ang bagong departamento ay makadadagdag din lamang sa “bloated” bureaucracy ng bansa.

Ang pagtanggi ng dalawang senador sa panukalang isinusulong ni Sen. Bong Go ay matapos hagupitin ang ilang bahagi ng bansa ng pinakamalakas na bagyo ngayong taon – ang Bagyong Rolly.

Sa isang pahayag, isinalaysay ni Lacson na gagastos ang pamahalaan ng P1.5 bilyon sa pag-set-up lamang ng bagong departamento. Gagastos pa ito ng bilyun-bilyon pa para sa pasahod, capital outlay at operational expenses.

“It is relatively easy to pass a law creating new departments. But would it be feasible, and will there be proper funding for it?” tanong ng senador.

“We can see that the newly created departments like the Department of Information and Communications Technology and the Department of Human Settlements and Urban Development cannot be properly funded, or at least are not given the appropriate funding to work properly,” dagdag pa ni Lacson.

Sinabi rin ng finance officials sa mga senador na inaasahang bababa ang koleksyon ng buwis ngayong taon matapos magsara ang ilang mga negosyo dahil sa Covid-19 pandemic, at dahil sa naging kapasyahan ng Korte Suprema na ang local government units (LGUs) ay makakukuha ng Internal Revenue Allotments (IRAs) base sa lahat ng national taxes.

Ayon naman kay Gordon, mas makabubuti kung palalakasin ang mga kasalukuyang ahensya na may mandatong rumesponde sa mga sakuna at kalamidad.

“It doesn’t thrill me that we have to create departments… I’m ambivalent towards that,” giit ni Gordon.

Dagdag pa nito, “Kahit ano [na department] ilagay mo, nasa sa leader yan e. Kung ilalagay mo medyo mahirap at yung mga local governments hindi naman magco-cooperate, patay pa din tayo.”

Ang Department of National Defense, kung saan ang kalihim nito ay namumuno rin sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, ay makapagreresponde aniya sa mga kalamidad, wika ni Gordon.

Aniya, “‘Wag na tayo gumawa pa kasi mas makakabawas pa sa pera ng gobyerno. Pagalingin na lang ‘yung mga nandiyan.”

Samantala, bagama’t “iginagalang ang opinyon” ng kanyang mga kapwa senador, hinikayat pa rin ni Go ang iba pang mga mambabatas na talakayin ang panukala bago ito tuluyang ibasura.

Naipasa na rin sa Kamara sa huling pagbasa ang kaparehong panukala, pagbibigay diin ni Go.

Aniya, “Dapat magkaroon ng isang departamento na may Secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response, and resilience measures pagdating sa ganitong mga krisis at sakuna.”

LATEST

LATEST