PRRD, bumisita sa isang bayan sa Albay na lubhang tinamaan ni ‘Rolly’

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula kay: Sen. Bong Go

Binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Nobyembre 2 ang isang bayan sa lalawigan ng Albay, matapos itong punain ng publiko dahil sa hindi nito pagpapakita habang nasa kasagsagan ng Bagyong Rolly na nagdulot ng matinding pinsala sa ilang lugar sa bansa.

Pinangunahan ni Duterte ang isang aerial survey at kinalauna’y binisita ang ilang mga residente ng Guinobatan, na napinsala ng landslides mula sa volcanic ash ng Bulkang Mayon.

Paiimbestigahan umano ng pangulo ang isinasagawang quarrying operations sa Guinobatan, matapos ang ilang reklamo mula sa mga residente, ayon kay Sen. Bong Go, ang dating assistant ng pangulo na sumama sa kanyang pagbisita sa Albay.

Dinaanan din ng aerial survey ng pangulo ang Catanduanes, kung saan unang nagland-fall ang Bagyong Rolly.

Tinatayang nasa 400,000 katao ang nagsipaglikas bago ang pagdating ng bagyo at karamihan sa mga ito ang nananatili pa rin sa mga evacuation centers.

Nagkukumahog naman ang mga awtoridad na ibalik ang kuryente at linya ng komunikasyon sa mga lugar na malubhang tinamaan ni “Rolly”.

Sampung pagkasawi ang naitala sa Albay, subalit sinabi naman ni provincial disaster chief Cedric Daep na posibleng umabot pa umano ito nang libu-libo.

Aniya, “We have extensive damage to infrastructure and housing.”

“Many people are hungry. They had already suffered from COVID due to the loss of jobs and dislocation. Some don’t even have kitchen utensils,” dagdag pa nito.

Tatlo sa mga biktima ang naipit sa landslides ng volcanic ash na lumamon aniya sa maraming kabahayan sa dalawang komunidad na malapit sa Bulkang Mayon. Tatlo naman ang nawawala.

Ayon naman sa alkalde ng Guinobatan kung saan matatagpuan ang nasabing mga komunidad, 147 na kabahayan aniya ang nilubog ng landslide at hindi na ito matitirhan pa.

Ipinahayag naman ng Office of Civil Defense, na mahigit 20,000 na mga kabahayan ang winasak, habang 55,500 naman ang bahagyang nasira dahil sa pananalasa ni Rolly. Naapektuhan din aniya ang sektor ng agrikultura.

LATEST

LATEST