Albay, nangangailangan ng tulong sa pagkain at pabahay matapos hagupitin ng 2 bagyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Malalim na pagbaha sa Daraga, Albay
Kuha ni: AJ Miraflor

Nangangailangan ang lalawigan ng Albay ng food at housing assistance matapos itong hagupitin ng dalawang magkasunod na bagyo, ayon kay Governor Al Bichara noong Nobyembre 2.

Si “Rolly”, na maituturing na pinakamalakas na bagyo ngayong taon, ay kumitil ng buhay ng hindi bababa sa 10 katao sa Bicol region, ayon sa Office of Civil Defense. Napinsala rin ang lugar ng naunang Bagyong Quinta noong nakaraang linggo.

Sa Albay, 2 fatalities ang nakumpirma sa bayan ng Guinobatan, 1 sa Polangui, at 1 naman sa Malinao, dagdag pa ng gobernador.

Ayon naman sa alkalde ng Guinobatan na si Mayor Ann Yap Ongjoco, may 3 fatalities at 3 missing persons sa kanyang munisipalidad.

Inilibing naman ng lahar ang tinatayang 150 kabahayan pati na rin ang ilang mga residente.

“‘Di namin ine-expect ‘yung lugar kasi di naman tinataamaan ng lahar ‘yun. Nagoverflow ‘yung lahar dahil malaki ‘yung deposit sa slope ng Mayon at s’yempre binugbog ng bagyo. Umapaw ‘yung kanal at nag-iba ang direksyon,” ani Bichara.

Bukod sa housing assistance, kinakailangan din ng probinsya ng pagkain kasabay nang pagkaubos ng pondo ng mga lokal na pamahalaan para sa Covid-19 response.

“Kailangan natin dito pagkain. Wala na silang iha-harvest ngayon. ‘Yung palay. Dalawang bagyo sunuran. Mga vegetables sira na rin,” giit ni Bichara.

Dagdag pa nito, “Lahat ng LGU (local government) gumastos sa COVID tapos may Quinta pa. Di tatagal, mauubusan kami rito. Kailangan talaga tulong galing sa national government.”

Samantala, ayon naman kay Dr. Cedric Daep, chief ng Albay Public Safety and Emergency and Management Office, ilang lugar sa ikatlong distrito ng lalawigan tulad ng Polangui ang nananatiling inaccessible dahil sa malawakang pagbaha.

Aniya, “It’s not passable even by heavy vehicles, military trucks.”

Batay sa kanilang inisyal na inspeksyon, tinatayang nasa 50 percent ng mga kabahayan sa unang distrito ng Albay ang napinsala, kabilang na ang sektor ng agrikultura.

Bago binayo ni “Rolly” ang Albay, nakapaglikas na ang pamahalaang panlalawigan ng mahigit 200,000 katao.

Nangangamba naman si Daep na posibleng umakyat pa ang bilang ng mga nasawi, partikular na sa mga lugar na nailibing ng volcanic mud flows.

“If not because of evacuation, I think we would have thousands or hundreds of people died in areas of Mayon because of lahar,” dagdag pa nito.

LATEST

LATEST

TRENDING