‘Rolly’, humina na; Signal No. 4 nakataas pa rin sa ilang bahagi ng Luzon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Humina na si Super Typhoon Rolly patungo sa isang simpleng typhoon o bagyo na lamang, habang binagtas nito ang karagatan ng Camarines Sur noong Nobyembre 1 ng umaga.

Ayon sa datos ng PAGASA sa 11 a.m. bulletin nito, namataan si Rolly sa layong 30 kilometers west southwest ng Pili, Camarines Sur, at patuloy na nagbabanta sa Luzon bagama’t nag-landfall na ito nang dalawang beses.

Nag-landfall si Rolly malapit sa Bato, Catanduanes noong 4:50 a.m., at sa Tiwi, Albay noong 7:20 a.m.

Taglay nito ang hanging may lakas na 215 kilometers per hour at gustiness na aabot sa 295 kph, at ngayo’y inaasahang tutumbok sa Batangas-Cavite area ngayong hapon o sa gabi. Ito ay inaasahan sa layong 70 km timog ng Metro Manila sa pagitan ng 5 hanggang 8 p.m.

Wala nang lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signal No. 5, subalit nananatili pa rin ang Signal No. 4 sa Metro Manila, Camarines Norte, Camarines Sur, at northern portion ng Sorsogon, Burias Island, Marinduque, Calabarzon kabilang ang Polillo Islands, Pampanga, Bulacan, at southern portion ng Aurora, Bataan, southern portion ng Zambales, northwestern portion ng Occidental Mindoro kasama ang Lubang Island, at northern portion ng Oriental Mindoro.

Inaasahan ang hanging may kalakasan na 171 kph hanggang 220 kph sa susunod na 12 oras na posibleng magdulot ng malawakang pagkasira ng property at imprastraktura.

Kabilang naman sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 3 ang natitirang bahagi ng Sorsogon, northern portion ng Masbate kabilang ang Ticao Island, nalalabing bahagi ng Zambales, Romblon, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Tarlac, southern portion ng Nueva Ecija, central portion ng Aurora, at Northern Samar.

Nasa Signal No. 2 naman ang Aurora, Nueva Vizcaya, Quirino, Benguet, La Union, Pangasinan, natitirang bahagi ng Nueva Ecija at Masbate. Kabilang din dito ang northern portion ng Samar at Eastern Samar, extreme northern portion ng Antique, at northwestern portion ng Aklan. Inaasahan ang hanging aabot ng 61 kph hanggang 120 kph sa loob ng 24 oras na may light to moderate damage.

Signal No. 1 naman ang umiiral sa mainland Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Abra, Ilocos Norte, Ilocos Sur, northern portion ng Palawan kasama ang Calamian at Cuyo Islands, northern portion ng Antique, natitirang bahagi ng Aklan, Capiz, northern portion ng Iloilo, northern portion ng Cebu kasama ang Bantayan Islands, Biliran, natitirang bahagi ng Samar, Eastern Samar, at northern portion ng Leyte.

Inaasahang lalabas si Rolly mula sa mainland Luzon landmass at patungong Philippine Sea mamayang gabi hanggang bukas ng umaga.

Samantala, pumasok naman ang isa pang bagyo noong Linggo ng umaga sa Philippine Area of Responsibility (PAR). Ito ay pinangalanang “Siony”.

LATEST