DOH: Dapat may safety officers ang evacuation centers

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
DOH Spokesperson Maria Rosario Vergeire

Habang nahaharap ang bansa sa dalawang matinding hamon – ang Covid-19 pandemic at Bagyong Rolly – iginiit ng isang Health official ang kahalagahan ng pagde-deploy ng safety officers sa mga evacuation centers upang ma-monitor ang mga kalagayan ng evacuees, pati na rin ang pagsigurong masusunod ang infection control measures.

“Magkaroon po tayo ng safety officers na palagiang hihikayat at saka mag-a-advise sa ating mga komunidad na nasa loob ng evacuation center na kailangan laging naka-mask, kailangan laging naghuhugas ng kamay,” ani Department of Health (DOH) spokesperson Maria Rosario Vergeire noong Oktubre 31.

Puwede rin umanong i-isolate ang mga taong magde-develop ng sintomas, dagdag pa ng opisyal.

Ang deployment ng safety officers ay isa sa mga paraan upang maibsan ang banta ng Covid-19 transmission dahil hindi maiiwasan ang paggugrupo-grupo ng mga pamilya sa mga evacuation centers.

Binigyang diin din ni Aurora Governor Gerardo Noveras sa parehong briefing na ang pagpapatupad ng physical distancing sa mga evacuation centers ay magsisilbing “malaking hamon” dahil sa mga bagay na hindi nila makokontrol.

Aniya, “May mga factors po na hindi natin kayang saklawan o kayang remedyuhan kagaya po kung maliit lang ang space ng evacuation centers, at marami ang kailangan i-house dun, hindi natin mapapanatili ang physical distancing.”

Subalit, tiniyak naman ng gobernador na mariing susundin ang mga safety measures.

“Sisiguraduhin naman po namin na sa ganoong sitwasyon ay mayroon namang masks ang mga evacuees na dadalhin doon upang magkaroon pa rin sila ng proteksyon. In case mayroon isang asymptomatic doon o unreported positive case ay hindi sila basta basta mahahawa,” wika ni Noveras.

LATEST

LATEST

TRENDING