
Posibleng makulong ang mga magbebenta ng mga hindi awtorisadong Covid-19 vaccines, paglilinaw ng Malacañang noong Oktubre 29.
“Bawal po iyan. May ipinapataw na parusa sa kahit sinong magbebenta ng gamot o bakuna na hindi aprubado po ng FDA (Food and Drug Administration),” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Dagdag pa nito, “Mayroon pong kulong iyan. Itigil n’yo po iyan.”
Ito ang naging tugon ni Roque sa mga kumakalat na text messages ng umano’y mga bakuna kontra Covid-19 na nagkakahalaga ng P50,000 bawat shot.
Tinatayang nasa 200 vaccine candidates ang kasalukuyang dini-develop kung saan ilan sa mga ito ay nasa Phase III clinical trials – ang pinal na hakbang bago aprubahan ang bakuna, ayon sa United Nations.
Posible umanong maaprubahan na ang paggamit ng ilang bakuna sa 2021.