Isang taong ‘floating status’ para sa mga empleyado, pinahintulutan ng DOLE

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Pinirmahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang isang kautusan na nagpalawig nang isa pang taon sa kautusan ng allowable period kung kailan maaring ilagay ng employer ang kanyang empleyado sa “floating status” habang nasa kasagsagan ng pandemiya.

Inamyendahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang isang bahagi ng Labor Code, na nagpapahintulot sa mga employers na pansamantalang i-retrench ang maggagawa nito sa maximum na anim na buwan. Sa huli nitong kautusuan, maaari nang i-lay off ang empleyado hanggang isang taon kung may pandemiya, tulad ng Covid-19.

Ang Department Order No. 215-2020 na may petsang Oktubre 23, ay nagpahintulot sa extension ng suspension of employment “tuwing may digmaan, pandemiya, o kaparehong national emergencies.”

Ipinaliwanag ni DOLE Undersecretary Benjo Benavidez noong Oktbre 28 na dapat magkasundo ang employer at staff bago isailalim ang isang manggagawa sa extended floating status. Dapat din aniyang magsumite ang kumpanya ng report sa DOLE hinggil sa nabuong work set-up.

Aniya, “Gusto namin bigyan ng espasyo doon sa mga empleyado at saka sa kanilang mga employer o kumpanya na sila ay mag-usap na kung maaaring mag-extend pa ‘yung kanilang floating status nang sa ganoon ay mag-resume o maka-resume ng negosyo ‘yung kanilang mga employer.” 

Maaari naman umanong dumulog sa ahensya ang mga manggagawang pipilitin ng kanilang mga pamunuan.

Hindi bababa sa 2.1 milyong manggagawa ang nasa floating status o temporarily laid off dahil sa hamong kinakaharap ng mga negosyo bunsod ng lockdown, dagdag pa ni Benavidez.

Ang mga manggagawang nasa floating status ay kinokonsiderang empleyado pa rin subalit hindi obligado ang kanilang employer na bayaran ang kanilang sahod sa pag-iral ng floating status.

Kung matapos na ang naturang status, puwedeng maging permanente ang retrenchment ng empleyado na may separation pay o di kaya ay pabalikin ito sa trabaho.

LATEST

LATEST

TRENDING