
Nakikipag-usap aniya ang Department of Health (DOH) sa 8 private laboratories na sasalo sa Covid-19 testing ng Philippine Red Cross (PRC), na nagsuspinde ng testing na pinopondihan ng PhilHealth dahil sa P930-milyong utang ng ahensya sa PRC, pahayag ng Malacañang noong Oktubre 26.
Ang naturang 8 laboratoryo ay may testing capacity na “katumbas” aniya ng PRC, wika ni Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, “The funds are there… Ang assurance natin sa mga private labs, h’wag po kayong mag-alala. Hindi po kayo mapi-PRC dahil subject naman talaga po for reimbursement ng PhilHealth ang test to be given to OFWs.”
Nakapagsagawa ng tinatayang 1.1 milyong Covid-19 tests ang PRC, kabilang na ang testing para sa overseas Filipino workers (OFWs). Katumbas ito ng halos one-fouth ng kabuuang 4.3 milyong tests sa bansa.
Habang suspendido ang PRC Covid-19 testing, magdadala naman ng swab samples ang pamahalaan sa isang laboratoryo sa Pampanga, sa Research Institute for Tropical Medicine, at sa Philippine General Hospital, dagdag pa ni Roque.
Nauna namang tiniyak ni Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran ng gobyerno ang Red Cross.
Kinakailangan lamang aniyang beripikahin ng mga awtoridad ang halaga ng mga nasabing tests, dahil benpisyaryo umano ang Red Cross ng donated testing kits at machines, paglilinaw ni Roque.
Unang inalok ng pamahaalan na magbayad ng kalahati, subalit tinanggihan ito ng PRC dahil nais nitong singilin ang kabuuang utang ng PhilHealth.