OFW sa airports, pinagbabayad nang aabot sa P20k para sa mabilis na Covid-19 test result: Red Cross

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Philippine Red Cross

Ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na kasalukuyang stranded sa mga paliparan sa bansa ay sinisingil nang aabot sa P20,000 para sa agarang Covid-19 test results, pahayag ng Philippine Red Cross noong Oktubre 26.

Ayon kay PRC chairman Sen. Richard Gordon, pinayagan silang makapasok sa mga international airports sa Manila, Clark, at Cebu bunsod ng kahilingan ng mga OFWs sa PRC na tugunan ang kanilang Covid-19 testing.

Unang inalis ng Red Cross ang Covid-19 testing service nito dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth sa halos P1 bilyong utang nito.

“May nagtext sa’kin galing Washington DC. Ang sabi, ang charge sa kanya P10,000. Mukhang may nabebendisyunan doon,” ani Gordon.

“Isa pa, ‘My sister paid P7,000 to get the results in 24 hours. Naghintay siya beyond 24 hours and got it only after she expressed her rage… For 12 hours, it costs P10,000, and for 6 hours, it costs P20,000’,” dagdag pa nito.

Tinatayang 6,000 OFWs ang kasalukuyang stranded sa Kalakhang Maynila dahil sa Covid-19 testing delay bunsod ng ipinahintong serbisyo ng PRC, giit ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sinabi naman ng PhilHealth na babayaran nito ang utang sa PRC.

“Nagugulat ako dyan kay Atty. (Dante) Gierran dahil kilala kong tao yan eh. Pero mukhang di makadesisyon, natatakot. Ewan ko kung kanino siya natatakot. Alam ko, matapang naman siya. Ang nakikita ko, baka may sinususian,” paliwanag ni Gordon tungkol sa bagong pinuno ng PhilHealth na ipinag-utos ang pagre-review sa partnership ng PhilHealth sa Red Cross.

Dagdag pa ni Gordon, “Ang nakikita ko lang, Atty. Gierran, kung nakikinig kayo, meron akong nakukuhang text ngayon. Kami, wala sa airport. Ngayon na lang kami pumasok sa airport dahil maraming gustong magbayad nang direkta sa’min dahil maraming namamahalan at natatagalan.”

Ang PhilHealth at PRC ay pumasok sa isang multi-million peso agreement noong Mayo kung saan itinakdang magsagawa ng malawakang Covid-19 testing ang PRC kapalit ang P3,500 bayad sa bawat test na sasaluhin ng PhilHealth.

LATEST

LATEST