
Hiniling ng Malacañang noong Oktubre 25 ang “mabuting kalusugan” para kay Pangalawang Pangulo Leni Robredo matapos itong sumailalim sa quarantine dahil sa pagkaka-expose sa isang Covid-19 patient.
“We wish her good health,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ibinunyag ni Robredo na kasalukuyan itong sumasailalim sa quarantine matapos ma-expose sa isang Covid-19 patient nong nakaraang linggo.
Inanunsyo niya ito sa kanyang programa sa radyo na “Biserbisyong Leni” at sinabing sumasailalim din sa isolation ang ilan sa kanyang staff.
Aniya, “Na-expose ako noong Huwebes. Na-expose ako sa isang nag-positive so sumunod kami sa protocols.”
Ang kanyang mga pagpupulong at iba pang mga aktibidad ay pansamantalang gaganapin online.
“Hopefully ma-swab na kami, kasi kapag na-clear na kami tuloy na ulit (mga aktibidad)… Pero tuloy tuloy pa rin ‘yung trabaho,” dagdag pa ni Robredo.
Noong Hulyo, pansamantalang nagtigil-operasyon ang tanggapan ni Robredo matapos magpositibo sa Covid-19 ang ilan nitong staff.