PACC, hindi ibubunyag ang mga kongresistang pinaiimbestigahan kaugnay sa kurapsyon ng DPWH

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Greco Belgica
PACC)Commissioner Greco Belgica

Iginiit ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) commissioner Greco Belgica noong Oktubre 24 na hindi papangalanan ng kanyang ahensya ang mga kongresistang sumasailalim sa imbestigasyon dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa katiwalian ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Baka raw “makompromiso” lamang ang imbestigasyon kung isasagawa ito.

Ito ay matapos hamunin si Belgica ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor na ibunyag ang mga kongresistang sangkot sa katiwalian ng DPWH.

“I don’t want to do blind items or make a bulletin board or noise board of our investigation dahil kung sasabihin ko kung sino ang iimbestigahan bago ang inquiry or sino ang suspects, para ko pong sinabi doon sa huhulihin na huhulihin siya and that will compromise the investigation,” ani Belgica.

Pinuna kamakailan ng mga senador ang tinatayang P345.25-bilyong lump sum na isiningit sa proposed 2021 badyet ng DPWH, kung saan humihingi umano ng “kickback” ang ilang mga mambabatas at opisyal ng DPWH mula sa mga contractors na nakakuha ng proyekto mula sa pamahalaan.

Nagsalita rin ukol sa isyu si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabi nitong balak niyang bumuo ng isang hiwalay na task force para paimbestigahan ang mga alegasyon ng kuraspsyon sa loob ng DPWH.

Ayon kay Belgica, ang National Bureau of Investigation o Office of the Ombudsman ang magsasagawa ng imbestigasyon dahil sa limitasyon ng PACC.

Aniya, “Ang PACC is limited to presidential appointees it needs a different body like the NBI or Ombudsman to conduct the investigation.”

Naunang bumuo ng task force si Duterte para paimbestigahan ang mga alegasyon ng kurapsyon sa loob ng PhilHealth, kung saan nagbunga ito ng mga rekomendasyon na kasuhan ang ilang opisyal ng ahensya.

Lumikha naman ng hiwalay na task force si Public Works Secretary Mark Villar, kung saan kinabibilangan ito ng limang opisyal na mag-iimbestiga sa kapwa executives at empleyado ng DPWH.

LATEST

LATEST