Red Cross, pinagbabayad na nang buo ang PhilHealth sa utang nito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Philippine Red Cross chairman Sen. Richard Gordon

Sinisingil na ng Philippine Red Cross (PRC) ang kabuuang utang ng PhilHealth bago ito muling magsagawa ng Covid-19 testing. Tinanggihan din ng PRC ang alok ng pamahalaan na bayaran muna ang kalahati ng halaga.

“No, they should pay the whole amount because mahirap, nakabitin kami eh,” giit ng PRC chairman na si Senador Richard Gordon noong Oktubre 23.

Unang sinabi ng Malacañang na babayaran ng pamahalaan ang 50% ng kabuuang utang ng PhilHealth sa Red Cross sa susunod na linggo. Lumubo na ang utang sa mahigit P1 bilyon. Ipinahinto naman ng PRC ang pagsasagawa nito ng Philhealth-funded swab tests noong nakaraang linggo, at sinabing makababalik lamang ito sa pagte-test kung mababayaran ng ahensya ang overdue nitong utang na halos P931 milyon.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “substantial amount” na kung maituturing ang kalahating bilyon at sapat na aniya ito para makapagtest nang muli ang PRC sa mga kliyente ng PhilHealth. Subalit, hindi ito sinang-ayunan ni Gordon.

“Ewan ko kung saan galing yung 50%, hindi ko alam yung 50% ,” diin ni Gordon.

Dagdag pa ng senador, “Sila lang nagsasabi. They talk to themselves all the time.”

Ilang oras matapos ang PRC briefing, naglabas ng pahayag ang Malacañang kung saan inabisuhan umano ng Department of Justice ang PhilHealth na magbayad ng partial payment habang nire-review pa ang kasunduan tungkol sa testing sa pagitan ng PhilHealth at PRC.

“Having said this, we call on the PRC to resume its testing services,” ani Roque.

Samantala, binigyang diin naman ni Gordon na ang PRC ay hindi isang profit-oriented organization at hindi nito kayang saluhin ang gastos sa Covid-19 testing, na nagkakahalaga ng P3,500 para sa bawat polymerase chain reaction o PCR test.

Wala umanong sapat na test kits at staff ang PRC at umaasa lamang ito sa perang nanggagaling sa pamahalaan. Sinabihan nito ang mga medical technologists ng PRC na huwag na munang pumasok dahil hindi kayang bayaran ng PRC ang buwanang sahod nitong nasa P35,000.

“Tingnan mo ha, babayad ka ng kalahati… Anong mangayayari ngayon? Papalakihin nanaman? Edi ninenerbyos kaming lahat. ‘Wag naman,” wika ni Gordon.

Aminado naman si Gordon na ang desisyon ng PRC na ipahinto ang testing ay nauwi sa pagka-stranded ng mahigit 6,000 na overseas Filipino workers.

Subalit, iginiit nito na kung kayang bayaran ng gobyerno ang mga hotels ng OFWs para sa quarantine, kaya rin nitong bayaran gastos ng Covid-19 testing.

LATEST

LATEST