DBM, nangakong ‘agarang’ ilalabas ang pondo sa ilalim ng Bayanihan 2

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DBM Secretary Wendel Avisado
Kuha ni: Angie de Silva (Rappler)

Nangako ang Department of Budget and Management (DBM) na “agarang” ilalabas ang bilyun-bilyong pondo sa mga ahensya matapos punain ng mga senador ang hindi pag-disburse ng pondo sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), ayon sa isang senador noong Oktubre 20.

Ayon sa ilang Cabinet secretaries na dumalo sa budget hearings sa Senado, P34 milyong Covid-19 funds ang hindi pa umano naibibigay sa sektor ng agriculture, labor, at tourism dalawang buwan bago mag-expire ang Bayanihan 2.

Nangako naman si DBM Secretary Wendell Avisado na tinutugunan na ng ahensya at ng ibang mga implementing agencies ang isyu upang tiyaking mailalabas ang mga pondong nakasaad sa batas, pahayag naman ni Senador Bong Go.

“According to Secretary Avisado, he has marching orders to the DBM to act on all budget requests within 24 hours upon receipt of his office if all the requirements are complete,” ani Go.

Ang Bayanihan 2 ay ang ikalawang Covid-19 aid package ng bansa na nagbibigay ng awtorisasyon sa pamahalaan na gumastos ng P140 bilyon para tulungan ang mga apektadong sektor dahil sa pandemiya.

Nakapaloob din sa batas ang P25 bilyong standby funds kung sakaling kailanganin ng pamahalaan ang karagdagang pondo para sa Covid-19 response.

“Minadali ng Senado na maipasa ito…kaya walang dahilan para maipit ang pondo,” paliwanag ni Go.

Ang Bayanihan 2 ay nakatakdang mag-expire sa Disyembre 19.

LATEST