Mahigit 800k manggagawa, makatatanggap ng benepisyo mula sa TUPAD ng DOLE

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Ipinahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mahigit 800,000 na mga displaced workers ang makatatanggap ng benepisyo mula sa emergency employment program nito sa ilalim ng Bayanihan 2 fund.

Sinabi noong Oktubre 19 ni Karen Trayvilla, direktor ng Bureau of Workers with Special Concerns ng ahensya, na sa buong P13 bilyong alokasyon para sa workers’ assistance, kalahati nito ang balak gamitin para sa Tulong Panghanap-Buhay Para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.

“We have proposed P6 billion, which will benefit 863,667 beneficiaries,” ani Trayvilla.

Subalit, iginiit ni Trayvilla na kinakailangan pa itong aprubahan ng DOLE bago simulan ang implementasyon sa dulo ng Oktubre. Bibigyan umano nito ng prayoridad ang mahigit 500,000 unserved applicants.

Ang TUPAD ay isang community-based package ng assistance na layong magbigay ng emergency employment para sa displaced, underemployed, at seasonal workers. Sa ilalim ng programa, ang mga manggagawa ay employed nang hindi bababa ng sampung araw, subalit hindi naman lalagpas ng 30 araw, depende sa uri ng trabahong kailangang gawin. Sila ay binabayaran ayon sa umiiral na minimum wage sa kanilang mga lugar.

Samantala, sinabi naman ni Trayvilla na mamamahagi rin ang DOLE ng 850 bisikleta para sa mga benepisyaryo sa Maynila, Quezon City, Mandaluyong, Muntinlupa, at Pasig sa Oktubre 26. Ang iba pang mga rehiyon tulad ng Calabarzon, Cagayan Valley, Bicol Region, at Central Visayas, ay lalahok din sa programa sa susunod na linggo.

Ayon sa opisyal, ang programang ito ay nilikha bilang pagtugon sa lumulobong bilang ng deliveries sa mga platforms na tulad ng Lalamove at Grab, na mga partner ng DOLE sa nasabing livelihood project.

LATEST

LATEST

TRENDING