DOLE: Tuloy ang pagbabayad ng 13th month pay

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Labor Secretary Silvestre Bello III

Ipinahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) noong Oktubre 15 na dapat magbigay ang lahat ng employers ng 13th month pay bago o pagsapit ng Disyembre 24 ngayong taon.

“We will not postpone, we will not defer, and we will not give an exemption to the payment of the 13th month pay,” giit ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Dagdag pa ng kalihim, “The law says pay the workers their 13th month pay on or before December 24. ‘Yan po ang ipapatupad ng Department of Labor.”

Ayon kay Bello, malinaw sa Presidential Decree 851 na hindi puwedeng ipagpaliban ang pagbabayad ng 13th month pay, at batay sa kanilang interpretasyon, wala itong exemption.

Noong nakaraang linggo, binatikos si Bello ng mga grupong manggagawa matapos nitong sabihin na pag-aaralan ng DOLE kung aling mga kumpanya ang maaaring i-exempt mula sa pagbabayad ng 13th month pay para sa kanilang mga empleyado.

Ayon sa kalihim, kabilang umano sa implementing rules and regulations ng PD 851 ang exemption sakaling makaranas ng “distress” o krisis ang isang kumpanya.

Para tugunan ang isyu, sinabi ni Bello na nagsumite ng request ang DOLE kay Finance Secretary Carlos Dominguez III para matulungan ang mga nasabing employers.

Aniya, “Nagrequest kami kay Sec. Dominguez na kung maari bigyan ng subsidy yung mga employers that are categorized as micro and small business enterprises. Mabigyan sila subsidy o kaya mabigyan sila ng opportunity to make loans with our banks. Lahat ng ating bangko.” 

Sa ngayon, wala pa umanong kumpanya ang dumudulog sa ahensya para sabihing hindi nito kayang magbayad ng 13th month pay. Subalit, sinabi naman ng Employers Confederation of the Philippines sa isang pagpupulong na may mga micro, small and medium enterprises na nagpahayag na hindi nila kayang bayaran ang 13th month pay.

LATEST

LATEST