Año: Nakahandang maghigpit ang pamahalaan sakaling magkaroon ng spike sa Covid-19 cases

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Interior Secretary Eduardo Año

Nakahanda na ang pamahalaan para sa epekto ng pagpapagaan ng ilang quarantine protocols, at agaran nitong papahigpitin ang nasabing protocols sakaling muling magkaroon ng biglaang spike sa Covid-19 cases, pahayag ng isang miyembro ng Gabinete noong Oktubre 16.

Sa huling ilinalabas na resolusyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF), maaari nang lumabas ng tahanan ang mga edad 15 hanggang 65. Ito ay mas magaan mula sa naunang protocol na nagbabawal lumabas sa mga hindi 21 hanggang 60 anyos, maliban sa mga kinakailangang magtrabaho o mayroong importanteng aktibidad sa labas ng tahanan.

Pinahintulutan din ng gobyerno ang mga Pilipino na magsagawa ng non-essential travel abroad. Puwede na ring bumiyahe nang malaya ang mga tao sa pagitan ng mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine at modified GCQ.

Mas naging magaan ang mga panuntunan sa ikapitong buwan ng community quarantine, na isa sa mga pinakamahabang lockdown sa mundo. Pumalo na sa mahigit 351,000 ang bilang ng Covid-19 cases sa bansa.

Samantala, tiniyak naman ni Interior Secretary Eduardo Año na striktong imo-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon ng Covid-19 sa bansa “on a daily basis” at magpatupad ng mga paghihigpit kung kinakailangan.

Aniya, “Syempre kapag biglang magspike talaga ‘yan then we will have to resort again to more drastic measures.”

“Sinisigurado naman natin na meron tayong magandang risk management,” dagdag pa n kalihim.

Ayon kay Año, mas makabubuti kung ikukumpara ang mga datos sa bawat dalawang linggo dahil sa delayed processing sa ilang mga laboratoryo.

Kaya rin umano ng bansang tugunan ang posibleng pagtaas sa bilang ng Covid-19 patients, dahil hindi naman aniya nasa danger zone ang kasalukuyang critical care utilization rate.

LATEST

LATEST