PhilHealth, nangakong babayaran ang P930-M na utang nito sa Red Cross

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Humingi ng tawad ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noong Oktubre 16 matapos ihinto ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagsasagawa nito ng Covid-19 testing para sa mga migrant workers at medical frontliners dahil sa hindi bayaran ng PhilHealth ang utang nito sa Red Cross na aabot sa P930 milyon.

Ang delayed payment ay kabahagi aniya ng review na isinasagawa ni PhilHealth chief Dante Gierran para suriin ang partnership nito sa Red Cross, pahayag ni PhilHealth spokesperson Rey Baleña.

Aniya, “Humihingi kami ng paumanhin kung may ganiyan na usapin… Nandun ‘yung pagsisikap natin na ito ay maproseso at mabayaran.”

Ayon kay Baleña, naghihintay lamang sila ng clearances mula sa iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pagtugon sa usapin ng utang.

“Meron lang sino-sort out na ilang bagay sa ibang authorities para tiyak po na tayo ay good to go at talagang maayos. Siyempre ito ay pera ng ating mga miyembro,” ani Baleña.

Nauna namang ipinahayag ng PhilHealth na binayaran na nito ang Red Cross ng mahigit P1.6 bilyon para sa isinagawa nitong mahigit 400,000 tests.

Kahit tumigil na ang Red Cross sa pagtanggap ng specimens para sa Covid-19 testing, puwede naman aniyang ipagpatuloy ng PhilHealth at iba pang accredited testing laboratories ang testing.

Hinikayat naman ni PRC secretary-general Elizabeth Zaballa ang PhilHealth na bayaran na nito ang utang.

Aniya, “Kailangan naman bayaran ‘yung obligasyon nila sa amin dahil ang serbisyo naman po ay naibigay namin ng tama at mahusay.”

Ang ibabayad ay gagamitin bilang operating expenses, kabilang ang procurement ng test kits at personal protective equipment.

Ang Red Cross ay bumibili ng test kits mula China sa presyong P500 milyon at nag-aalok ito ng competitive salaries para sa kanilang medical workers, wika ni Zaballa.

Huling binayaran ng PhilHealth ang Red Cross ng P706 milyon noong Setyembre 8.

Ayon kay Zaballa, sumang-ayon din ang Red Cross na babaan ang presyo ng Covid-19 tests mula P3,500 pababa sa P3,409 alinsunod sa request ng PhilHealth.

Kabilang sa mga naapektuhan sa tigil-operasyon ng PRC Covid-19 tests ay mga overseas Filipino workers, mga indibidiwal na dumarating sa mga paliparan at pantalan, at mga tao sa mega swabbing facilities at medical frontliners.

LATEST

LATEST

TRENDING