Palasyo, nag-sorry para sa utang ng PhilHealth sa Red Cross na hindi nabayaran

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Humingi ng paumanhin ang Malacañang noong Oktubre 14 dahil sa hindi pagbabayad ng PhilHealth ng utang nitong aabot ng P930-milyon sa Philippine Red Cross (PRC), kung saan nauwi ito sa pagpapatigil sa Covid-19 testing.

Nakapagsagawa ang PRC ng tinatayang 1 milyong Covid-19 tests, o halos one-fourth ng kabuuang 3.8 milyong tests ng bansa. Ayon sa organisasyon, hindi na ito tatanggap ng specimens para sa PhilHealth funded-tests pagkatapos ng 11:59 p.m. ng Oktubre 15 dahil sa “ever-increasing” na balanse ng PhilHealth.

“Malaking kawalan po iyan kung ititigil nila ang testing for PhilHealth. Pero ako naman po ay kampante na mayroon lang talagang mga internal problema ngayon ang PhilHealth na alam naman nating lahat,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Dagdag pa nito, “Humihingi po ako ng pasensya sa PRC on behalf of the President.”

Unang inakusihan ng whistleblowers ang ilang opisyal ng PhilHealth ng pagnanakaw ng aabot sa P15 bilyong pondo ng ahensya at pag-aapruba ng mga overpriced projects at reimbursements para sa mga pinapaborang ospital. Sa kasagsagan ng akusasyon, nag-resign ang noo’y PhilHealth president na si Ricardo Morales.

Naglagda si Morales ng memorandum of agreement para sa PRC tests, ayon naman kay National Task Force (NTF) against Covid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. 

Samantala, gusto lamang aniyang tiyakin ng bagong PhilHealth president na Dante Gierran na “maayos ang lahat” bago tugunan ang mga utang sa PRC at nanghingi rin ito ng komento mula sa budget department.

“‘Pag favorable po ang comment ng DBM, tuloy-tuloy na po iyon,” paglilinaw ni Galvez.

Dagdag pa nito, “I am confident that the issue will be resolved immediately.”

Nagbigay ang pamahalaan ng awtorisasyon sa tinatayng 147 laboratories upang makapagsagawa ng Covid-19 tests.  Sa ngayon, ibang laboratoryo muna ang puwedeng sumalo sa mga naiwan ng PRC, giit ni Roque.

Aniya, “In other words ‘wag naman po mag-alala ang ating mga kababayan.”

LATEST

LATEST