Malacañang: Duterte, tiwala pa rin kay DPWH Sec. Villar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte at DPWH Secretary Mark Villar
Kuha ni: Simeon Celi, Jr. (Presidential Photo)

Buo pa rin ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Public Works Secretary Mark Villar bagama’t nasasangkot ito sa mga alegasyon ng malawakang kurapsyon sa kanyang ahensya, pahayag ng Malacañang noong Oktubre 15.

“Full trust and confidence kay Sec. Villar dahil despite the corruption in DPWH naka-deliver po si Sec. Villar. It helps na mas marami pang pera ang pamilya ni Sec. Villar kesa sa DPWH,” ani Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon kay Roque, nabanggit ni Duterte ang tungkol sa pagkakaroon ng kurapsyon sa kanyang talumpati noong Oktubre 14 ng gabi dahil kabahagi umano ng kanyang tungkulin bilang pangulo ay ang sugpuin ang katiwalian sa mga ahensya ng pamahalaan, lalong lalo na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Dagdag pa ni Roque, “Hina-highlight lang naman po talaga ni Presidente yung mga pag-hamon sa natitirang panahon ng kaniyang termino at ang pangako naman po ng Presidente igugugol niya talaga itong natitirang panahon para labanan ang kurapsyon sa lahat ng departamento ng gobyerno lalong-lalo na siguro po sa PhilHealth at sa DPWH.”

Nang taungin kung may posibilidad na gumawa ang pangulo ng isang task force para paimbestigahan ang katiwalian sa DPWH tulad ng ginawa nito sa PhilHealth, sinabi ni Roque na maaari itong maisakatuparan.

“Posibleng gawin po ‘yan pero hayaan na po natin ‘yan dahil sa ngayon po e nakatutok pa sa PhilHealth ang ating Presidente,” wika ni Roque.

Nag-ugat ang mga akusasyon ng pangulo tungkol sa DPWH matapos umpisahan ng Kamara ang pagdinig tungkol sa 2021 national budget ng ahensya. Tinatayang makakukuha ang DPWH ng PHP667 bilyon para sa susunod na taon, isang 52-percent increase mula sa kasalukuyan nitong badyet.

Samantala, pinuri naman ni Roque si Villar dahil sa pagkakakumpleto ng Metro Manila Skyway Stage 3 Expressway na nag-uugnay sa hilaga at timog na bahagi ng Kalakhang Maynila.

“Congratulations po kay Sec. Mark Villar nakumpleto na po ang Metro Manila Skyway Stage 3 Expressway,” pahayag ni Roque.

Noong Oktubre 14, inanunsyo ni Villar na nakumpleto na bago ang itinakda nitong schedule na Oktubre 31 ang 18-kilometer elevated expressway, na nag-uugnay sa South Luzon Expressway (SLEX) at North Luzon Expressway (NLEX).

Dahil sa Skyway 3, magtatagal na lamang ng 20 minuto ang biyahe mula SLEX patungong NLEX, mula sa dating tatlong oras.

LATEST

LATEST