Cayetano at Velasco, nangakong papanatilihin ang ‘super majority’ sa Kamara: Malacañang

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Taguig Rep. Alan Peter Cayetano at House Speaker Lord Allan Velasco
Kuha ni: Joan Bondoc (Inquirer)

Nangako si bagong House Speaker Lord Allan Velasco at ang pinalitan nito sa puwesto na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na papanatilihin ang supermajority ng mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara, pahayag ng Malacañang noong Oktubre 15.

Ito ay matapos maiulat na posibleng umanib sa minority si Cayetano matapos ang pagkakatanggal nito bilang Speaker.

Iginiit umano ng dalawang kongresista sa pakikipagpulong kay Pangulong Duterte ngayong linggo, na mananatili sila sa supermajority, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Aniya, “Pareho naman po sila na nangako sa Presidente na magiging isang super majority pa rin sila sa Mababang Kapulungan para nga po tulungan ang administrasyon sa kanilang legislative agenda.”

“Buong-buo pa rin po [ang supermajority],” dagdag pa ni Roque. 

Noong Oktubre 13, si Velasco ay hinalal ng mga kongresista upang palitan si Cayetano bilang Speaker alinsunod sa boto ng 186 na mga mambabatas mula sa kabuuang 299 na miyembro ng Kamara. Dalawang kongresista naman ang nagsabi kinalaunan na posible aniyang sumapi si minority si Cayetano.

Nauna ring nagpatawag si Duterte ng special session sa Kamara na magaganap mula Oktubre 13 hanggang 16 upang agarang maipasa ng Mababang Kapulungan ang 2021 national budget na kanyang sinertipikahang “urgent”.  

“Kumpiyansa naman po ang Malacañang na matatapos po iyong third and final reading ng budget sa Kamara dahil nga po nagpapasalamat kami na naisantabi nga po ang pulitika diyan,” ani Roque.

Dagdag pa nito, “Tingin ko naman malinaw po iyan kay Speaker Velasco na kinakailangan talagang maipasa iyan on time at ang sabi nga po ng Senado, para sila ay maka-akto on time ay kinakailangan mapasa iyan by the 16th.”

Magkakaroon naman ng break ang Kongreso mula Oktubre 16 hanggang Nobyemnbre 15.

Hindi maaaring talakayin ng Senado ang badyet hangga’t hindi ito naipapasa ng Kamara.

Kung hindi maipapasa ng Kongreso ang badyet sa Disyembre 31, mapipilitang gumamit ng reenacted budget ang gobyerno, kung saan hindi ito naglalaman ng mga probisyon tungkol sa pagtugon sa Covid-19 pandemic.

LATEST

LATEST

TRENDING