PRRD, sinertipikahang urgent ang bill para sa anti-red tape emergency powers

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Pangulong Rodrigo Duterte

Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Oktubre 14 ang agarang pagpapasa ng isang panukalang magbibigay ng emergency powers sa kanya kontra red tape sa panahon ng national emergencies, alinsunod sa layunin ng pamahalaan na muling buksan ang naparalisang ekonomiya ng bansa.

Sinertipikahang urgent ng pangulo ang Senate Bill No. 1844 na layong bigyang ng awtoridad ang pangulo na pabilisin ang pagproseso at paglabas ng national at local permits, licenses at certifications.

Ang hakbang ay “makapagdudulot ng aktibidad sa ekonomiya, magpapabilis sa pagbangon ng bansa, at magtitiyak ng agarang pamamahagi ng serbisyo sa oras ng national emergency tulad ng Covid-19 pandemic,” pahayag ng liham ni Duterte kay Senate President Vicente Sotto III. 

Ang bills na may sertipikasyong urgent ay hindi saklaw sa patakarang dapat ipasa ito nang hindi bababa sa tatlong araw bago ito pagbotohan ng mga mambabatas.

Sa ilalim ng parehong panukala, pinapahintulutan din ang pangulo na “suspendehin o tanggalin” ang sinumang opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang responsable sa delayed issuance ng mga dokumento sa kahit sinong indibidwal o korporasyon.

Dahil sa urgent na sertipikasyon ng naturang bill mula sa pangulo, inaasahang maipapasa ito ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa sa Miyerkules, wika naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri. 
 
Unang nakipagpulong si Duterte sa parehong mga lider ng Kamara at Senado para humingi ng panukalang batas na tutugon sa red tape at katiwalian sa pamahalaan. Nag-alok itong maging resource person sa deliberasyon ng bill subalit hindi ito natuloy.

LATEST

LATEST