Gabinete, nagtakda ng mas maluwag na quarantine protocols para sa pampublikong transportasyon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Mas maraming commuters na ang puwedeng sumakay ng jeepneys, buses, at iba pang pampublikong sasakyan matapos aprubahan ng Gabinete ang reduced physical distancing protocols para rito.

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 13 na pinapahintulutan na ng Executive ang mas mataas na kapasidad para sa mga pampumblikong sasakyan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng “one seat apart” na patakaran para sa commuters.

​Nilinaw nitong maggiging epektibo lamang ang mga nabanggit na panuntunan kung mailathala na ito sa Official Gazette. Hindi na rin aniya ito mangangailangan ng hiwalay na approval mula sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Pinahintulutan din ng Gabinete ang mas mataas na passenger capacity para sa mga tren sa 50 percent mula sa dating 30 percent.

Mas marami ring provincial buses, shuttles, ride-hailing services, at motorcycle taxis ang makapagbabalik-pasada para matugunan ang pangangailangan ng mga pasahero.

Puwede na ring umupo nang magkatabi ang mga pasahero basta’t may namamagitang plastic barriers sa bawat isa. Kung wala namang barriers, puwede rin namang gumamit ng UV light para sa disinfection.

Ito ay taliwas sa one-meter distancing na unang ginawang mandatoryo simula noong buksan muli ang pagpumblikong transportasyon noong Hunyo. Kabilang din sa guidelines ang:

1. Pagsusuot ng tamang face masks

2. Pagsusuot ng face shields

3. Pagbabawal sa pakikipag-usap at pagkain

4. Sapat na bentilasyon

5. Madalas at tamang disinfection

6. Pagbabawal sa  symptomatic passengers

7. Wastong physical distancing

Ang mga nabanggit na rekomendasyon ay nagmula umano sa economic team ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan naniniwala itong ang limitadong pampublikong transportasyon ay nagdudulot ng masamang epekto sa ekonomiya.

Naging unanimous aniya ang pagpapasya, ani Roque, sapagkat nauunawaan umano ng mga opisyal ang kahalagahan ng muling pagbubukas ng ekonomiya.

​”It is based on science, it is based on studies… The lockdowns have been causing poverty and malnutrition on the part of our children,” wika ni Roque.

Dagdag pa nito,”After months of quarantine, alam na natin ang gagawin: mask, iwas, hugas.”

LATEST

LATEST

TRENDING