Mga naghahangad maging Speaker, gusto lamang ng ‘kapangyarihan’: Palasyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

Ang mga mambabatas na nagbabangayan para maging Speaker ay nagnanais lamang umanong magkaroon ng “kapangyarihan”, pagbibigay diin ng Malacañang noong Oktubre 12 habang nagpapatuloy ang iringan sa Mababang Kapulungan sa kung sino ang nararapat na maging pinuno nito.

Wala umanong kinakampihan na kahit sino si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa sigalot nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa pagka-Speaker, paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Aniya, “Malinaw po ang sinabi ni Presidente: Dala na siya. Isantabi na ang pulitika, badyet muna.”

“Dala na po siya dahil wala pong tigil ang pulitika d’yan sa Kamara. Ang gusto lang pareho, lahat ng gustong maging Speaker ay kapangyarihan. Paano naman ang bayan?” dagdag pa ni Roque.

Dahil ito, ipinangangamba ang posibleng pagkaantala sa pagpasa ng 2021 national budget matapos magmosyon si Cayetano na ipasa sa ikalawang pagbasa ang badyet noong Oktubre 6, at suspendehin ang sesyon ng Kamara hanggang Nobyembre 16.

Sa ilalim ng “gentleman’s agreement” nina Cayetano at Velasco na binuo para sa kanila ni Duterte, nakatakdang mamuno bilang Speaker si Cayetano hanggang ngayong buwan. Hahalili naman sa kanya si Velasco na uupong Speaker para sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Kung hindi maipapasa ng mga mambabas ang 2021 badyet sa Disyembre 31, mapipilitang gumamit ng reenacted 2020 budget ang gobyerno, kung saan wala itong probisyon tungkol sa mga programang layong tugunan ang Covid-19 pandemic.

Sinertipikahan nang “urgent” ni Duterte ang panukalang badyet at nagpatawag din ito ng special session na gaganapin mula Oktubre 13 hanggang 16 upang siguruhin ang pagpapasa ng 2021 badyet.

LATEST

LATEST