Cayetano, sinabing ‘peke’ ang ginawang pagboto kay Velasco bilang Speaker

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
House Speaker Alan Peter Cayetano

Binanatan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga kapwa niya kongresista noong Oktubre 12 at inilarawan ang idinaos na sesyon sa labas ng Batasang Pambansa na “peke”.

Ang nasabing sesyon— na ginanap sa Celebrity Sports Plaza, kung saan “inuluklok” bilang bagong Speaker si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco — ay magtatakda lamang umano ng isang “disturbing precedent.”

“The last time I checked, ang Celebrity Sports Plaza ay hindi naman Kongreso. It creates a very, very disturbing precedent. Ngayon may fake session naman na ginagawa,” ani Cayetano.

Dagdag pa nito, “If valid iyon, ‘banana republic’ na tayo. Never in the history of the Philippines na ganito ang ginagawang pambababoy sa Kongreso.”

Umapela rin ito sa iba pang mga mambabatas na iwasan ang pagbabasura sa Konstitusyon, sapagkat dapat umanong ginawa sa loob ng session hall ang botohan.

Ang ginanap na pagtitipon sa labas ng Batasan ay labag din umano sa mga quarantine protocols na itinakda ng Inter-Agency Task Force.

“Sila nga ang rule makers, sila rin ang rule breakers. They can do that tomorrow after the budget, why do they have to do it now?” diin ni Cayetano.

186 na mga kongresista ang bumoto kay Velasco para maging susunod na Speaker, ayon kay Deputy Speaker Conrado Estrella matapos ideklarang bakante ang pinakamataas na posisyon ng Mababang Kapulungan.

Sa parehong pagtitipon, iginiit ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na ligal ang isinagawa nilang sesyon, bagama’t hindi umano nila ginamit ang official mace bilang “simbolo ng awtoridad ng Kamara.”

Matapos mahalal, pinasalamatan naman ni Velasco ang kanyang mga kaalyado para sa kanilang pagsuporta. Ipinahayag din nito na umaasa siyang susundin ni Cayetano ang term-sharing agreement nilang dalawa para sa isang “peaceful transition.”

Samantala, bagama’t naiipit sa isyu ng House speakership, tiniyak pa rin ni Cayetano sa publiko maipapasa sa oras ang 2021 national budget.

Ayon naman kay House committee on appropriations chairperson Eric Yap, matatapos nang naaayon sa schedule ang budget deliberations kahit sinuman ang mamumunong Speaker.

“Whether sino man po nag maging speaker ngayong araw, or sa susunod na raw, I will just follow the speaker, because I’m loyal to the institution,” wika ni Yap.

Dagdag pa nito, “Kung sino ‘yung maging speaker, ‘yun ‘yung magiging boss ko.”

Sinuspinde ang House session noong nakaraang linggo bago ang itinakdang schedule nito sa Oktubre 17, isang hakbang na tintingnan bilang pagpigil kay Velasco na maging susunod na Speaker.

Subalit, nagpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte ng special session na gaganapin mula Oktubre 13 hanggang 16, alinsunod sa pagsertipika nito sa badyet bilang “urgent”.

LATEST

LATEST

TRENDING