Robredo, namahagi ng trabaho at oportunidad sa transport sector

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: VP Leni Robredo Facebook page

Nakipagpulong kamakailan si Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa mga lider ng iba’t-ibang transport groups para magbigay ng mapagkakakitaang oportunidad para sa kanila at sa kanilang pamilyang naapektuhan ng pandemiya.

Sa kanyang radio show noong Oktubre 11, ibinahagi ni Robredo ang mga kaganapan sa isinagawa niyang consultation meeting sa transport groups mula Metro Manila, Central Luzon at Southern Tagalog noong Oktubre 9, kung saan tinalakay ng mga ito ang iba’t-ibang suliranin ng sektor sa gitna ng krisis.

Hinikayat ng tanggapan ni Robredo ang mga drayber na mag-apply ng trabaho sa pamamagitan ng Sikap.PH website, sa ilalim ng “Bayanihanapbuhay” program para sa mga naghahanap ng mapagkakakitaan. Kasalukuyan itong may 18,000 job openings.

Ang mga vacancies na nakapaskil sa website ay available sa iba’t-ibang lokasyon tulad ng Metro Manila, Batangas, Bulacan, Cebu, Cavite, at iba pa.

Aniya, “Sabi nga namin, tutulungan namin silang mag-apply kasi ang iba nga sa kanila walang gadgets, access sa internet.” 

“Maliban dito meron rin kaming livelihood assistance program na sabi namin pwede silang mag-apply kasi yun naman ay available sa mga nangangailangan,” dagdag pa ng pangalawang pangulo.

Ayon kay Robredo, hindi niya tinatanggihan ang modernisasyon sa transport sector basta’t matutulungan sila ng pamahalaan habang isinasakatuparan ito.

“Marami silang kwento ng mga myembro nila na talagang walang-wala na. Sana maging mas makatao naman sa paghanap ng solusyon,” ani Robredo.

Sa ilalim modernization program na inilunsad noong 2017, ang mga lumang jeepneys at UV Express service vehicles ay kinakailangan nang i-phase out ngayong taon, at palitan ng mga units na may environment-friendly engines tulad ng Euro Diesel 4.

Ikinabahala naman ito ng transport groups dahil sa mahal na gastusin ng nasabing programa kung saan inilarawan nila ito bilang “anti-poor” sapagkat ang modernong jeepneys ay nagkakahalaga ng mahigit ₱2 milyon. Samantala, ₱1.2 milyon hanggang ₱1.8 milyon naman ang halaga nito batay sa datos ng gobyerno.

Tiniyak naman ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board na mayroon silang ipinatutupad na financial schemes para tugunan ang problema sa pamamagitan ng pagbibigay ng five percent equity, six percent interest at payment period na pitong taon. Magbibigay din ng ₱80,000 subsidy sa bawat PUV unit.

LATEST

LATEST