Pinuno ng Pulse Asia, dinipensahan ang integridad ng mga surveys tungkol sa pamahalaan

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Rodrigo Duterte at mga miyembro ng IATF

Ipinahayag ni Pulse Asia Research Inc. president Ronald Holmes na nauunawaan nito ang agam-agam ng publiko tungkol sa mga isinasagawa nilang surveys kung saan nakakuha ng pinakamataas na approval rating na 91% sa parehong trust at performance si Pangulong Rodrigo Duterte.

Gayunpaman, iginiit nitong pinaninindigan niya ang integridad ng mga nasabing surveys na sumasalamin umano sa pagtitiwala ng publiko sa pamahalaan ngayong panahon ng Covid-19 pandemic.

Aniya, “Sa pagsasagawa ng aming pananaliksik, naniniwala kami ang bawat isa ay may karapatan magpahayag ng kanilang opinyon.”

“Ngunit sa aming panig . . . Kung kami ay naniniwala na ang pagsasagawa ng survey ay naayon sa nararapat na paraan at may integridad yung proseso at ito ay hindi naapektuhan ng sinuman, wala kaming kadahilanan para hindi ilabas ang resulta ng survey,” dagdag pa nito.

Sa huling national survey ng Pulse Asia, nakatanggap si Duterte ng pinakamataas na approval rating na 91% na sinundan naman ni Senate President Vicente Sotto III (84% approval para sa performance at 79% para sa trust), at ni Speaker Alan Peter Cayetano (70% performance, at 67% trust).

Ang Ulat ng Bayan survey ay isinagawa mula Setyembre 14 hanggang 20.

“Maaaring natutugunan niya ang ekspektasyon ng mga mamamayan. Para sa mga kritiko ng pamahalaan sinasabing ang ekspektasyon ng mga mamamayan ay mababa lamang . . . Kung anuman ang kadahilanan ibig lang sabihin nito na may kumpyansa ang mga mamamayan sa presidente,” ani Holmes.

Ayon sa pinuno ng Pulse Asia, maihahalintulad umano ang trust rating ng pangulo sa ratings na nakuha nito noong nag-uumpisa pa lamang ito sa puwesto noong Hulyo 2016.

Aniya, “‘Yung nauna naming release ay nagpapakita ng 91% ang nag-aapruba at nagtitiwala sa pangulo, halos pareho ng trust nu’ng nagsimula ang Pangulo noong July 2016. Parang nanatili lang ang performance rating niya kumpara noong December ngunit may bahagyang pagtaas ng trust rating ng pangulo.”

“Mayroon tayong mga nakaraang pangulo na nanumbalik ang pagtitiwala pagkaraan ng 4 at kalahating taon. Bagamat sa panig ni Pangulong Duterte ay nagsimula sa taas at nanumbalik ulit sa mataas ang pagtitiwala,” dagdag pa ni Holmes.

Isang hiwalay na survey naman ang nagpakitang 8 sa bawat 10 na Pilipino ay sang-ayon sa isinasagawang pagresponde ng administrasyong Duterte sa Covid-19 pandemic.

Ayon sa resulta nito, 84% ng mga Pilipino ang may “positibong opinyon” sa Covid-19 response ng gobyerno. 6% naman ang dismayado habang 10% ang hindi nakatitiyak.

“Siguro nakita ng mamamayan bagamat hindi nila alam kung ano ang bilang ng kaso bagamat maaaring sila’y nangangamba na medyo mahigpit na rin sa pagkilos . . . at itong paghihigpit na ito ay bahagi ng inisyatibo para mapigilan ang paglaganap ng COVID-19,” wika ni Holmes.

LATEST

LATEST

TRENDING