Cayetano, tiniyak na bibigyang atensyon ang 2021 badyet sa special session ng Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
House Speaker Alan Peter Cayetano

Kampante ang ilang mga representante na posibleng maipasa ang 2021 national budget sa special session na ipinatawag ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan sinabi nitong isantabi muna ang bangayan sa Kamara alang-alang sa maagang pagpapasa ng badyet.

Ayon kay kay House Minority Leader Benny Abante, mahalagang tapusin muna ang deliberasyon sa 2021 national budget bago tugunan ang iringan sa House Speakership.

Aniya, “Tapusin na muna ang 2021 budget bago tapusin ang lahat ng ito Saka kayo magkaroon ng political interference. Mahiya naman kayo sa ating Pangulo.”

Naniniwala naman si House Deputy Speaker Johnny Pimentel na maaaring tapusin ng apat hanggang limang araw ang special session.

“If we can have 3 to 5 agencies a day, kaya iyon tapusin ng apat na araw,” giit ni Pimentel.

Noong Oktubre 9, nagpatawag si Pangulong Rodrigo Duterte  ng isang special session sa Kamara mula Oktubre 13 hanggang 16, kasabay ng pagsertipika bilang “urgent” sa P4.5 trilyong national budget para sa taong 2021. Ito ay ilang araw matapos suspendehin ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang sesyon ng Mababang Kapulungan hanggang Nobyembre 16.

Naipasa na sa ikalawang pagbasa ang panukalang badyet, Subalit, nakasaad sa orihinal na schedule na Oktubre 14 an itinakdang petsa para sa pagpasa ng badyet sa ikatlo at pinal na pagbasa.

Sa parehong petsa rin itinakda ang paglipat ni Cayetano sa speakership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco alinsunod sa term-sharing agreement na binuo ni Duterte noong 2019.

Idiniin naman ng ilang kongresista na may ginawang paglabag si Cayetano sa pag-“mute” nito sa ilang mga kongresista na nais makilahok sa deliberasyon ng badyet.

“Mayroon bang nangyaring debate dun sa kanyang mosyon?… Walang debate. Nagkaroon ba ng pagpapaliwanag ‘yung mga in favor of the termination? Wala. Nagkaroon ba ng pagpapaliwanag yung against the termination? We could not have because we were muted,” ani Buhay Rep. Lito Atienza.

Para naman kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera, importanteng usapin ang badyet kaya dapat na marinig ang boses ng bawat mambabatas.

Aniya, “Mahalaga para sa bawat Kinatawan na madinig ang kanyang boses sa plenaryo ukol sa mga mahahalagang usapin nang walang pangambang maimu-mute siya.”

Sinabi naman ni Cayetano, na asahang magiging makabuluhan ang sesyon sa Kamara.

“Asahan niyo, the special session will be very fruitful. Ako nakikiusap, sa lahat po, isantabi muna natin ang pulitika, magtulong-tulong muna tayo sa budget. At least yung grupo namin ‘no, I can assure you mga kababayan that we will be focusing on the budget,” wika nito.

LATEST

LATEST

TRENDING