Roque: 2021 national budget, ‘delayed’ na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Presidential Spokesperson Harry Roque

“Naantala” na ang pagproseso ng 2021 national budget bunsod ng iringan sa Kamara tungkol sa kung sino ang nararapat na maging House Speaker, pahayag ng Malacañang noong Oktubre 8.

Posible naman umanong magpatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte kung kinakailangan.

Inaprubahan ng Kamara noong Oktubre 6 sa ikalawang pagbasa ang P4.5-trilyong 2021 national budget alinsunod sa mosyon ni Speaker Alan Peter Cayetano.

Sinuspinde rin ng Mababang Kapulungan ang sesyon nito hanggang Nobyembre 16, bagay na humadlang sa itinakdang pag-upo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco bilang Speaker sa Oktubre 14 batay sa term-sharing agreement nila ni Cayetano.

Posible pa rin namang magsagawa ng budget deliberations ang Senado kahit sa itinakdang break mula Oktubre 17 hanggang Nobyembre 16.

Subalit, nananatiling isang “gray area” kung maaaring makapagsagawa ng plenary debates ang mga senador tungkol sa panukalang badyet kahit hindi pa nito natatanggap ang bill mula sa Kamara, giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque. 

Nang tanungin kung magaganap na ang ikatlong pagbasa sa badyet sa Nobymebre 16, oo ang naging tugon ni Roque. Subalit, nilinaw nitong “delayed” na ang badyet.

Ang kasalukuyang badyet ay magtatapos sa Disyembre 31. Kung hindi maipapasa ng Kongreso ang badyet sa oras, isang reenacted budget ang gagamitin ng pamahalaan kung saan wala itong pondong nakalaan para sa Covid-19 pandemic.

Samantala, ang printing at pagsusumite ng House version ng badyet sa Senado ay magtatagal umano ng isang linggo, wika naman ni Senate President Vicente Sotto III. 

Aniya, “Siguradong reenacted pagka ganyan.”

Pinag-iisipan naman ng ilang mga mambabatas ang magdaos ng special session upang maiwasaan ang isang reenacted budget.

“Kung kinakailangang magpatawag ng special session pagdating ng Dec. 14, Malacañang will do it,” ani Roque. 

Dagdag pa nito, “Pero naniniwala ang Malacañang talaga na ang issue of leadership is a purely internal affair of the House.”

Hindi naman nagkomento si Roque nang tanungin kung hino-“hostage” ni Cayetano ang 2021 badyet.

Aniya, “The President does not want to infer on internal matters (Ayaw ng pangulong makialam sa mga usaping panloob).”

LATEST

LATEST

TRENDING