Sotto: PH, tiyak na gagamit ng reenacted budget sa 2021 dahil sa delay ng Kamara

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Senate President Vicente Sotto III
Kuha ni: Henzberg Austria (Senate PRIB)

Tiyak na reenacted budget ang gagamitin ng bansa sa susunod na taon dahil sa idinulot na pagkaantala ng Kamara sa pagpapasa ng 2021 national budget, giit ni Senate President Vicente Sotto III noong Oktubre 8.

Noong Oktubre 6, ipinasa ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang P4.5-trilyong 2021 national budget alinsunod sa mosyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano. Subalit, sinuspinde rin ng Mababang Kapulungan ang sesyon nito hanggang sa susunod na buwan habang nasa gitna ng isyu tungkol sa House Speakership.

“Hindi sa hindi maa-approve, siguradong reenacted pagka ganyan,” ani Sotto.

Dagdag pa ng senador, “Ang collateral damage ang taumbayan. ‘Yung political warfare sila-sila na lang ‘yun. Puro politika, gusto ba ng taumbayan ‘yan? Yung para sa 2021 budget nakatuon para sa pandemic, Build, Build, Build, recovery ng ekonomiya, health nawala.”

Puwede pa aniyang isumite ng Kamara ang 2021 badyet sa Senado nang naaayon sa oras kung magdaraos ito ng sesyon sa Oktubre 12, ayon kay Sotto.

Aniya, “Whatever it is, ‘wag nila kami idamay at ‘wag nila kaming pagbibintangan na delayed ang budget dahil sa’min. Delayed na sila eh.”

Samantala, sinabi naman ni Cayetano sa isang Facebook live video na ang isang buwang suspensyon sa sesyon ng Kamara ay makapag-aantala lamang ng budget proceedings nang isang araw.

Pinabulaanan naman ito ng ibang senador at iginiit na ang printing at pagpapadala ng Kamara ng General Appropriations Bill (GAB) sa Senado ay magtatagal nang hindi bababa sa tatlong araw.

“Kung ibigay sa’min ng Nov. 17, 1 linggo pa lang ‘yun printing tapos committee reports… Pano sasabihin mong 1 araw lang ang delay at paano kami ang may kasalanan?” diin ni Sotto.

Ibinahagi ni Sotto na kinausap niya si Cayetano noong Oktubre 6 ng gabi kung saan sinabi ng Speaker na ipapasa umano sa Senado ang General Appropriations Bill (GAB) sa susunod na buwan.

“Bakit may biglang statement ngayon na kami ang may kasalanan pag di napasa at reenacted ang budget. Paano ako maniniwala ngayon?” wika ni Sotto.

LATEST

LATEST

TRENDING