
Kuha ni: Angie de Silva (Rappler)
Ipinahayag ng Department of Budget and Management (DBM) na umaasa ito sa pagpapasa ng 2021 national budget nang naaayon sa oras.
Ayon kay DBM Secretary Wendel Avisado, maraming maaantalang proyekto at serbisyo kung hindi maipapasa sa oras ang badyet.
Kabilang dito ang pondo na gagamitin bilang pasahod sa mga manggagawa, serbisyong panlipunan, at mga proyektong imprastraktura.
Apektado rin umano ang ekonomiya kung sakaling maantala ang nasabing badyet.
Noong Oktubre 6, inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang P4.5-trilyong 2021 national budget alinsunod sa mosyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sinuspinde rin ng mga kaalyado nito ang sesyon hanggang Nobyembre 16, bago pa man mangyari ang itinakdang turnover ng Speakership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Oktubre 14 batay sa term-sharing agreement na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbabala naman ang Senado na posibleng ma-delay ang pagpapasa ng badyet kung hindi ito maibibigay sa kanila bago pa man ang itinakdang session break sa Oktubre 14.