Duterte, maliit ang tsansa na muling kitain sina Cayetano at Velasco

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Sinabi ng Malacañang noong Oktubre 7 na hindi na kumikiling si Pangulong Rodrigo Duterte na makipagpulong muli sa kanyang mga kaalyado na sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, kung saan naging banta sa pagpapasa ng 2021 national budget ang hidwaan ng dalawa tungkol sa House speakership.

“Nasabi na niya ang lahat ng… dapat niyang sasabihin sa parehong partido,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Dagdag pa nito, “Ang kanyang hiling, ‘wag i-hostage ang budget, kinakailangan natin itong COVID-19 budget na ito.”

Noong 2019, bumuo ng “gentleman’s agreement” si Duterte kung saan nakasaad na magsisilbi si Cayetano bilang Speaker sa unang 15 buwan ng 18th Congress bago ito palitan ni Velasco.

Iginiit ng pangulo sa isang pagpupulong noong Setyembre 29 na dapat igalang ang nasabing kasunduan.

Noong nakaraang linggo, nag-alok naman si Cayetano na magbitiw sa puwesto subalit agaran itong tinanggihan ng mayorya ng mga kongresista.

Muli namang dumulog kay Duterte si Velasco, upang hingin ang pahintulot nitong muling tumakbo sa pagka-Speaker alinsunod sa “karapatan” nito. Si Velasco ay kaalyado ni Duterte.

Noong Oktubre 6, inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang P4.5-trilyong 2021 national budget alinsunod sa mosyon ni Cayetano.

Sinuspinde rin ng mga kaalyado nito ang sesyon hanggang Nobyembre 16, bago pa man mangyari ang itinakdang turnover ng Speakership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa Oktubre 14 batay sa nasabing term-sharing agreement.

Una namang nagbabala ang mga senador na maaaring maantala ang badyet dahil sa sigalot sa liderato ng Kamara.

Gayunpaman, “kumpiyansa” ang Malacañang na magkakaroon ng “sapat na oras” ang Senado para talakayin ang panukalang badyet, ayon kay Roque.

Hindi kabilang sa isang reenacted o inulit na badyet ang alokasyon para sa Covid-19 response na nagdulot ng matinding krisis pangkalusugan at pange-ekonomiya sa bansa.

LATEST

LATEST