2021 badyet, aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara habang may sigalot ang liderato nito

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inaprubahan na ng Kamara sa ikalawang pagbasa noong Oktubre 6 ang panukalang P4.5-trilyong 2021 national budget alinsunod sa mosyon ni House Speaker Alan Peter Cayetano, na wakasan na ang deliberasyon ng 2021 badyet habang nasa gitna ito ng hidwaan tungkol sa liderato ng Kamara kontra kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.

Aniya, “Applying section 55 of our rules, I move to terminate the period of debate on House Bill 7727, or General Appropriations Bill (GAB) (Base sa Section 55 ng ating rules, nagmo-mosyon akong tapusin na ang debate sa House Bill 7727, o GAB).”

Kaugnay nito, gumawa si Cayetano ng komite para tugunan ang committee at individual amendments. Maaari makapagsumite ng mga amendments ang mga kongresista hanggang Nobyembre 5.

Majority ng mga kongresista na dumalo sa plenaryo at sa Zoom ang sumang-ayon sa hakbang ni Cayetano.

Nagmosyon naman ang isang mambabatas na suspendehin ang sesyon ng Kamara hanggang Nobyembre 16, kung saan inaprubahan din ito.

Ang pangyayaring ito ay sa gitna ng paghahangad ni Velasco na ipatupad ang term-sharing agreement nito kay Cayetano na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte, na dapat ay magiging epektibo sa Oktubre 14.

Inakusahan nito si Cayetano nang pangho-“hostage” sa 2021 badyet para mapanatili nito ang pagiging lider ng Mababang Kapulungan.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Cayetano na nais niyang manatili sa puwesto hanggang Disyembre para sa kapakanan ng badyet, subalit pilit siya umanong pinipigilan ni Velasco.

Sa ilalim ng “gentleman’s agreement” na binuo ni Duterte noong 2019, nakatakdang umupo bilang Speaker si Cayetano sa unang 15 buwan ng 18th Congress o hanggang Oktubre ngayong taon. Pagkatapos ay hahalili naman sa kanya si Velasco para sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Noong nakaraang linggo, inalok ni Cayetano ang mag-resign subalit agad iton pinigilan ng mga mambabatas.

Samantala, sinabi naman ng Malacañang na kinikilala nito ang “timely approval” ng GAB habang idinidiin na wala itong intensyong makialam sa mga “usaping panloob”

That is a purely internal matter of the HOR even as we thank the House for their timely passage of the 2021 budget (Iyan ay purong usaping panloob ng HOR kahit na tayo ay nagpapasalamat para sa agarang pagpapasa ng 2021 badyet),” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

LATEST