House Speaker term-sharing deal, impraktikal at labag sa Konstitusyon: analyst

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Malacañang

Ang House Speakership term-sharing deal ay labag sa Saligang Batas kaya dapat ipagpatuloy na lang ni Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano ang kanyang pagiging Speaker, pahayag ng isang political analyst noong Oktubre 4.

Hinahalal ng mga representante sa Kamara ang kanilang Speaker sa ilalim ng mga patakaran nito, at wala umanong basehan ang isang “gentlemen’s agreement,” giit ni Ramon Casiple, executive director ng think tank na Institute for Political and Electoral Reform.

Aniya, “Ang problema, bakit nagkaroon ng usap-usapan na hatian, nagkaroon ng usap-usapan na dapat ibigay? Hindi dapat kayo pumapasok sa ganyang klaseng arrangement eh, kasi ang nag-e-elect ay ’yung buong kapulungan,”

“Hindi dapat gawin sa demokrasya ’yun,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng nasabing “gentleman’s agreement” na binuo ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, nakatakdang bumaba si Cayetano sa pagiging House Speaker at ilipat ang puwesto kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco matapos ang 15 buwan o hanggang Oktubre ngayong taon. Si Velasco naman ang uupo bilang speaker sa nalalabing 21 buwan ng 18th Congress.

Ang mga kaalyado ni Cayetano ay nagsabing kinakailangan itong panatilihin puwesto lalo na’t ang pagbabago sa liderato ay maaaring ikadiskaril ng pagpapasa sa 2021 national budget, at iba pa.

Sumang-ayon sa Casiple na impraktikal ang pagbabago ng liderato sa Kamara na maaari ring mauwi sa pagpapalit ng mga committee chairmanships habang sumasailalim sa deliberasyon ang panukalang 2021 badyet, naghahanda para sa 2022 elections, at nagpapatupad ng mga hakbang kontra Covid-19.

“Wala sa posisyon ’yung mga congressmen na mag-tackle ng ganyang isyu, wala namang necessity. Dahil daw nagkaroon ng usapan? Ang problema, guguluhin mo ’yung Kongreso, guguluhin mo pati ’yung bayan,” ani Casiple.

Ayon kay Casiple, dapat iantala o di kaya ay tuluyan nang wakasan ng mga mambabatas ang nasabing kasunduan.

“Magugulo talaga ang trabaho ng Kongreso kung maaapektuhan halimbawa ’yung mga bills, ‘yung budget, at saka ’yung electoral reform bills. Papasok na tayo next year sa paghahanda sa eleksyon. Kung hindi pa ’yan mase-settle o magkakaroon ng paghinahon, baka magulo ang bansa natin,” paliwanag nito.

Inalok ni Cayetano na magbitiw sa puwesto noong Setyembre 30, hakbang na agarang tinanggihan ng iba pang mga mambabatas sa botong 184-1-9.

Sa isang Facebook video message naman noong Oktubre 2, hinikayat ni Velasco si Cayetano na igalang ang kanilang kasunduan at tuluyang mag-resign pagsapit ng Oktubre 14, ang petsang napagkasunduan sa pakikipagpulong kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Setyembre 29.

LATEST

LATEST

TRENDING