Paghahanda para sa WHO Solidarity trials, puspusan: Vergeire

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ipinahayag ng Department of Health (DOH) noong Oktubre 3 na hindi pa ito nakatatanggap mula sa World Health Organization ng listahan ng mga Covid-19 vaccines na ipapabilang sa isasagawang clinical trials.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nangako umano ang WHO na ilalabas ang nasabing listahan ng mga bakuna, pati na rin ang lokasyon kung saan gaganapin ang trials, sa ikatalong linggo ng Oktubre.

Aniya, “Aantayin lang po natin kasi mayroon din silang ibinibigay na tentative date for starting the trials by the end of October.”

Habang naghihintay, binanggit din ni Vergeire nagkaroon din ng ilang kasunduan sa pagitan ng Department of Science and Technology (DOST) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para tiyakin ang tulong ng mga pamahalaang lokal hinggil sa isasagawang mga trials.

“Lahat ng preparatory activity inaayos na natin so that pagka nasabi na ng WHO that we could already start, mauumpisahan natin agad yan,” dagdag pa ni Vergeire.

Noong Setyembre, sinabi ng DOH na hinihintay pa ng bansa ang karagdagang impormasyon mula sa Russia para sa coronavirus vaccine candidate nitong Sputnik V, bago umarangkada ang clinical trials nito sa bansa.

Nauna namang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyang prayoridad nito ang mga bakuna na galing Russia at China kung mapapatunayang epektibo at ligtas ang mga ito.

Batay sa datos noong Oktubre 2, sumampa na sa 316,678 ang mga kumpirmadong Covid-19 cases sa bansa, kabilang ang 56,445 active cases. 254,617 naman ang gumaling habang 5,616 ang nasawi.

Noong Oktubre 1, naging ika-20 ang Pilipinas sa mga bansa sa mundo na may pinakamaraming bilang ng Covid-19 cases simula nang manalasa ang pandemiya.

LATEST

LATEST

TRENDING