Malacañang, hiniling sa Kamara ang maagang pagpapasa ng 2021 badyet

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
House Speaker Alan Peter Cayetano at Pangulong Rodrigo Duterte

Habang sinabi na tila naayos na ang sigalot sa House speakership, iginiit naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 1 na dapat agarang tugunan ng mga mambabatas ang apela ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasa sa oras ang panukalang P4.5-trilyong budget para sa taong 2021.

Aniya, “Tingin ko tapos na naman po iyong controversy ‘no at ang talagang paulit-ulit na pakiusap ni Presidente, kinakailangan mapasa ang ating Covid-19 budget on time.”

Ipinahayag ito ni Roque matapos maganap ang pagpupulong nina Duterte at House Speaker Alan Peter Cayetano, kasama ang pamilya nito, sa Malacañang noong Setyembre 30. Naganap rin sa parehong araw ang botohan ng mga mambabatas upang tanggihan ang inalok na resignasyon ni Cayetano bilang Speaker bunsod ng hidwaan nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para sa nasabing posisyon.

Ayon kay Roque, hiniling lamang ni Duterte kay Cayetano sa ginanap na pagpupulong ang agarang pagpapasa ng 2021 badyet nang naaayon sa oras upang magamit ito para sa Covid-19 response.

“Ang bilin po niya, kinakailangan mapasa talaga ang budget sa lalong mabilis na panahon dahil nakapaloob po sa budget iyong ating Covid-19 response,” ani Roque.

Hindi na rin umano manghihimasok ang pangulo sa isyu ng House speakership dahil iginagalang nito ang kapasyahan ng mga kongresista.

“Well, uulitin ko po ang paninindigan ng ating Presidente, iyong pagpili po ng liderato ng Kamara ay isang internal matter para sa Kamara de Representante at nirirespeto naman po ng Presidente ang naging desisyon ng Kamara na ibinasura po iyong pagri-resign ni Speaker Alan Cayetano,” paglilinaw ni Roque.

Noong Setyembre 29, unang nakipagpulong si Duterte kasama sina Cayetano at Velasco upang ayusin ang sigalot sa pagitan ng dalawa.

Ninais ng pangulo na igalang ng mga mababatas ang kanyang ginawang term-sharing agreement noong 2019 sa pagitan ni Cayetano at Velasco, kung saan nakatakdang humalili si Velasco kay Cayetano sa Oktubre 14.

LATEST

LATEST