DOH, dinipensahan ang P89-B pondo para sa Covid-19 vaccine trials

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire

Inanunsyo ng Department of Health (DOH) noong Oktubre 2 na ang inilaang P89-milyong pondo para sa pagsasagawa ng Covid-19 vaccine clinical trials ay gagamitin para tustusan ang operational costs.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ang inilaang pondo para sa clinical trials ng World Health Organization (WHO) ay maliit na bahagi lamang sa pagtulong na makahanap ng epektibong bakuna kontra Covid-19.

Ang nasabing pondo ay nasa ilalim ng proposed budget ng Department of Science and Technology, na sumailalim sa pagsusuri sa Kamara nitong linggo.

“It is our obligation to contribute and to become part of the solution to this extraordinary global crisis,” ani Vergeire.

Samantala, napahayag naman ng agam-agam si Iloilo 1st District Rep. Janette Garin tungkol sa mga gagastusing pondo para sa Covid-19 vaccines, na kasalukuyang dini-develop ng pribadong mga kumpanya.

Aniya,  “Bakit tayo gagastos ng milyon-milyon para sa mga kompanya na pribadong sektor naman ang magbebenta? Kung gagawin natin ‘yan, there should be an immediate corresponding discount equivalent to government expenditure.”

Nilinaw naman ni Vergeire sa isang hiwalay na briefing na sasagutin ng UN health agency ang gastos sa test vaccines habang DOST naman ang magbabayad ng operational costs.

Ang nasabing operational costs, ay ang gastos aniya sa transportasyon, laboratory supplies tulad ng personal protective equipment, at monitoring ng mga kalahok.

Ang pondo ay paghahati-hatiin nang naaayon sa pangangailangan ng 12 study sites na lalahok sa local implementation ng vaccine trial.

Ang WHO Solidarity Trial, diin ni Vergeire, ay makapagbibigay sa Pilipinas ng mas malawak na access para sa ligtas at epektibong bakuna laban sa coronavirus.

Nakatakdang umarangkada ang solidarity trial ngayong buwan at inaasahan itong magtatagal ng 18 buwan.

Kabilang sa mga bakunang sinusuri ng WHO, na nasa phase 3 o large-scale clinical trials ay mula sa (1) University of Oxford and AstraZeneca; (2) CanSino Biological Inc.; (3) Gamaleya Research Institute of Russia; (4) Janssen Pharmaceutical Companies; (5) Sinovac; (6) Sinopharm (Wuhan); (7) Sinopharm (Beijing); (8) Pfizer, BioNTech and Fosun Pharma; at (9) Moderna.

LATEST

LATEST

TRENDING