Roque: Pondo ng Manila Bay white sand, hindi na puwedeng i-realign para sa Covid response

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Avito Dalan (PNA)

Hindi na maaaring ilipat ng pamahalaan ang ₱389-milyong badyet nito para sa pagpapaganda ng Manila Bay patungo sa Covid-19 response o iba pang mga proyekto, paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Oktubre 1.

Aniya, “Nasimulan na po ‘yan eh so kinakailangang tapusin na. Ang mga nare-realign ay ‘yung mga hindi pa nasisimulang mga proyekto.”

Ayon kay Roque, nagastos na ang nasabing pondo para sa paglalagay ng dinurog na dolomite para magsilbing artifical white sand sa Manila Bay.

Iginiit naman ng mga kritiko na hindi tama ang timing nito habang nasa gitna ng pandemiya, lalo na’t dinumog ito nang buksan ang lugar sa publiko. Ang paglalagay ng artifical white sand sa lugar ay isa lamang “aesthetic” solution na hindi nakapagbibigay umano ng solusyon para sa kalidad ng tubig at pagbabawas ng basura sa lugar, ayon sa environment groups added.

Nabanggit din ni Education Secretary Leonor Briones, na maaari sanang nagamit ang naturang pondo para sa pagbili ng gadgets ng mga mag-aaral at guro habang inaasahan ang pag-arangkada ng blended learning sa muling pagbubukas ng pasukan sa Oktubre 5.

Binanatan din ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang nasabing proyekto at inilarawan ito bilang “insentive” dahil puwede sanang nagamit ang pondo para pakainin ang 80,000 na mga pamilyang nagugutom bunsod ng pandemiya kung ibinigay sana ito bilang ₱5,000 na ayuda para sa bawat isa.

“It’s actually for the entire program of government in rehabilitating Manila Bay. Itong project na ito was proposed two years ago, included in last year’s budget and only being implemented now,” depensa naman ni Roque.

Sa ilalim ng Bayanihan law, puwedeng  i-realign o ilipat ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pondong nasa ilalim ng 2019 at 2020 budgets para tustusan ang Covid-19 response.

Una namang sinabi ni roque na ang “white sand” view ay makatutulong sa pagpapabuti ng mental health ng mga Pilipino ngayong panahon ng krisis.

LATEST

LATEST

TRENDING