Electoral tribunal, inutusan ang Comelec na magkomento sa electoral protest ni Bongbong Marcos

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
dating Senador Bongbong Marcos at Pangalawang Pangulo Leni Robredo

Ipinag-utos ng Korte Suprema, na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal, sa Commission on Elections (Comelec) na rumesponde ito tungkol sa mga isyung hindi pa nareresolba kaugnay ng inihaing election protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban sa katunggali nito noong 2016 na si Pangalawang Pangulo Leni Robredo.

Tinugunan ng PET noong Setyembre 30 ang ikatlong cause of action sa petisyon ni Marcos na isantabi ang nangyaring botohan sa Basilan, Lanao del Sur, at Maguindanao dahil aniya sa pandaraya at terorismo..

Ipinag-utos ng 12 na mahistrado sa Comelec na mag-ulat ito kung may mga petisyong inihain sa mga nasabing lalawigan para sa failure of elections. Kung mayroon man, inatasan ang Comelec na magbigay ng updates kung ang mga ito ay tinanggihan o inaprubahan.

Hiniling din ng mga justices sa Comelec na magsumite ng resulta kung nagsagawa ng special elections sa mga nabanggit na lugar at kung may naganap na failure of elections noong 2016.

Sa kanyang inihaing protesta, isang araw matapos ang halalan noong 2016, hiniling ni Marcos sa Korte Suprema na ibasura ang mga boto mula sa mga nabanggit na lalawigan dahil sa “talamak na dayaan”. Nagkaroon din umano ng malawakang terorismo, karahasan, pagbabanta, at pre-shading ng mga balota sa 2,756 na clustered precincts.

Binigyan ng PET ang Comelec ng 20 araw mula sa pagkakatanggap ng kautusan upang magkomento rito. Inutusan din ng PET ang parehong Comelec at Office of Solicitor General na magbigay ng legal opinions para sa pagbubuo ng isang maayos na resolusyon.

Noong Oktubre 2019, napag-alaman ng tribunal na lumobo ang lamang ni Robredo nang 15,000 votes o kabuuang 278,566 votes matapos magsagawa ng recount sa 5,415 clustered precincts sa pilot provinces ng Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental.

Lumamang din si Robredo sa kabuuang 477,985 votes sa Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao kontra sa 169,160 votes ni Marcos.

Iginiit naman ng kampo ni Robredo na susundin nila ang anumang maging kautusan ng korte. Kampante ang mga ito na patuloy na papabor ang electoral tribunal sa kanilang kampo dahil nagwagi na aniya si Robredo alinsunod sa resulta ng recounting.

“Dalawang beses nang nanalo sa bilang si VP Leni. Matagal nang tapos ang boksing. Matagal nang talo si Marcos. Tapusin na natin ito,” diin ng abogado ni Robredo na si Beng Sardillo.

LATEST

LATEST

TRENDING