DOH: Pangulo, may ‘prerogative’ na buwagin ang PhilHealth

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Ipinahayag ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) noong Setyembre 30 na may kapangyarihan ang pangulo na buwagin ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth). isang ahensya na nilikha ng batas.

Sakaling buwagin man ito, may mekanismo pa naman aniya ang pamahalaan upang tulungan ang mga Pilipino para sa gastusing pangkalusugan, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

“Ang ating pangulo ng Pilipinas ay meron namang ganyang prerogative… Kung sa tingin nya ipa-privatize o tatanggalin, ito ay kanyang magiging desisyon, base sa ebidensyang ibinigay sa kanya,” ani Vergeire.

Nagbabala noong Setyembre 28 si Duterte na bubuwagin nito ang PhilHealth kung magpapatuloy sa tiwaling mga aktibidad ang mga opisyal nito.

Ayon sa pangulo, ang privatization ng ahensya ay hindi posible dahil wala nang pera ang pamahalaan.

Itinatag ang PhilHealth ng Republic Act 7875, o National Health Insurance Act of 1995.

Ang operasyon, set-up, at mga serbisyo ng ahensya ay nakalatag naman sa Republic Act 11223, o ang Universal Health Care Act na isinabatas noong 2019.

“Ngunit, kapag nangyari naman ‘yan (pag-abolish ng PhilHealth), hindi naman papayag ang gobyerno na hindi natin pupunan ang kung anuman ang magiging kakulangan natin, kung mangyayari itong balak o pronouncement na ito ng ating Presidente, para hindi magkakaroon din ng financial hardship ang ating mga kababayan,” giit ni Vergeire.

Idiniin nitong unang ginawa ang PhilHealth upang makapagbigay ng accessible health care services para sa mga Pilipino.

Aniya, “Alam natin, maraming hindi nakaka-access sa health care services because of financial reasons.”

Sinabi ng opisyal na hihintayin nila ang pag-aaral ng Office of the President tungkol sa PhilHealth, na nabalot sa kurapsyon habang nasa gitna ng Covid-19 pandemic.

Sa ngayon, tiniyak naman ni Vergeire na mayroong financial mechanism ang pamahalaan para sa health care services ng bansa

Kasalukuyang pinamumunuan ang ahensya ni dating National Bureau of Investigation chief Dante Gierran matapos mag-resign si retired Brig. Gen. Ricardo Morales bilang pangulo dahil sa iniindang mga karamdaman.

LATEST

LATEST

TRENDING